Debate sa Department of Sports; reklamo sa POC, naging punto sa PSC consultative meeting.

Tulad ng inaasahan, ang pagsasama-sama ng sports stakeholder sa iisang bubong ay tiyak na magdudulot ng ‘giyera’ – sa pananaw at panuntunan.

Sa isinagawang high-level consultative meeting kahapon sa Century Park Sheraton, nakakuha ng pagkakataon si dating Senador at ngayo’y chairperson ng Philippine Swimming League (PSL) Nikkie Coseteng na batikusin ang aniya’y manipulasyon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco sa gawain ng national sports associations (NSA), gayundin ang kawalan ng pagkalinga sa mga atleta na hindi kabilang sa kanyang pamunuan.

Iginiit ni Coseteng na mababa ang morale ng mga atleta dahil sa dictator na pamamaraan ni Cojuangco sa POC. Ang dating Tarlac Congressman at tiyuhin ni dating Pangulong Noynoy ang pangulo ng Olympic body mula pa noong 2004.

After 28 years: Thomasian student, naka-gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championship

Nakatakdang magsagawa ng eleksiyon ang POC sa Nobyembre.

“Look what happened to chess Grandmaster Wesley So, he decided to migrate in the US and play for the US Team, instead, dahil sa frustration. He won a gold medal in World Universiade in Russia, pero hindi man lang ito kinilala ng POC at walang endorsement na ginawa para mabigyan ng incentives ang bata,’ sambit ni Coseteng.

‘Yung mga swimmers natin, laging nanalo sa international tournament pero hindi ito binibigyan ng pansin, “ aniya.

Kinikilala ng POC bilang lehitimong sports sa swimming ang Philippine Aquatics and Swimming Association (PASA) na pinamumunun ni Mark Joseph – kilalang kaalyado ni Cojuangco – sa nakalipas na dalawang dekada.

‘Napakaraming mahuhusay na swimmer pero iilan lang ang binibigyan ng tsansa,” sambit ni Coseteng.

Sa nakalipas na mga taon, ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga NSA ay batay sa rekomendasyon ng POC.

Naging sentro rin ng pagtatalo ang itinutulak na resolusyon ni 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero na magbuo ng Department of Sports. Suporatdo ito ng House Committee on Youth and Sports Development na kinabibilangan nina dating taekwondo multi-medalist Monsour Del Rosario III, Mark Aeron Samba, at Conrado Estrella III.

Kinuwestyon ni POC board member at Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion ang naturang resolusyon.

“Ano ba ang magiging kaibahan ng kasalukuyang set-up ng PSC at sa ninanais ninyong maisabatas na Department of Sports,” pahayag ni Carrion.

Sa kabila ng kaganapan, positibo ang pananaw ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez.

“Mainam na ito at nakukuha natin ang iba’t ibang opinyon. Malaking bagay ito para sa nais nating pagbabago sa sports.

But the real issue here is how we come out with a strong program para sa bubuuin nating Philippines Sports Institute.

Lahat ng narinig natin at nakuhang impormasyon isasama natin yan para masigurong solid ang foundation ng PSI,” pahayag ni Ramirez.

Sa isang visual presentation, ipinakita naman ni Mark Edward Velasco, training director ng HongKong Sports Institute, ang magiging laman ng PSI para masustinahan ang pagsasanay at pangarap ng atletang Pinoy na maging world class.

(Angie Oredo)