08312016_MarcosOralArgument_ROMERO-2 copy

Saan ang National Pantheon?

Ang Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ang tinutukoy bang National Pantheon sa ilalim ng Republic Act 289?

Ito ang naging pambungad na tanong ni Associate Justice Estela Perlas Bernabe sa kanyang pagtatanong kay Atty. Barry Gutierrez, isa sa mga abugado ng mga petitioner sa kaso ng Marcos Burial.

Trending

'Vets are also doctors!' Beterinaryo 'minaliit' daw ng isang doktor, umani ng reaksiyon

Sa ilalim ng RA 289, itinatakda ang konstruksyon ng National Pantheon na magsisilbing burial place ng mga labi ng lahat ng Pangulo ng Bansa, national heroes at patriots.

Bilang tugon sa iniaatas ng batas, inaprubahan ni Dating Pangulong Quirino noong May 12, 1953 ang pagtatayo ng National Pantheon sa East Avenue sa Quezon City.

Pero hanggang ngayon, wala pang national pantheon na naitatayo sa East Avenue, Quezon City sa ilalim ng Proclamation No. 431 na nilagdaan ni Quirino.

Aminado naman si Atty. Gutierrez na wala ngang partikular na legal issuance na nagdedeklarang ang Libingan ng mga Bayani ang siyang itinuturing na national pantheon.

Pero kung pagbabatayan umano ang mga issuances na ipinalabas ni Dating Pangulong Magsaysay, ang panuntunan sa ilalim ng RA 289 ay dapat pa ring masunod o maipatupad sa Libingan ng mga Bayani.

Sa interpelasyon naman ni Justice Benjamin Caguioa, sinabi ni Atty. Reody Anthony Balisi na ang pagbabago sa lugar ng national pantheon ay hindi makapagpapabago sa layunin ng batas na bigyan ng pagkilala ang mga Pilipinong nagbigay ng inspirasyon sa mamamayan.

Tinukoy pa niya ang mga issuances na ipinalabas ng mga sumunod na administrasyon ay tumatalima sa RA 289 pagdating sa pangangasiwa ng Libingan ng mga Bayani.

Sumentro rin ang pagtatanong ni Justice Teresita de Castro sa kasaysayan ng LNMB at ayon sa kanya ito ay inilaan para sa mga namatay sa pakikipaglaban noong World War 2 at dahil ang pangangasiwa nito ay inilipat sa Department of National Defense, malinaw ang military character ng Libingan.

Para kay De Castro, ang sentro ng kontrobersiya sa kaso ay ang mismong pangalan ng libingan pero kung pagbabatayan ang mga inilabas na issuances, ang layunin ng LNMB ay para magsilbing war memorial.

Hindi nga naman daw lahat ng mga nakalibing sa LNMB ay mga bayani.

Mahirap din umano para sa korte na tukuyin kung sino ang mga bayani dahil wala namang sistema pa na ipinaiiral o partikular na tanggapan na may mandatong tumukoy kung sino ba ang ituturing na bayani.

Sino nga ba ang matatawag na bayani?

Ito ang naging tono ng interpelasyon ni Associate Justice Jose Perez kay Dating Congressman Neri Colmenares.

Ayon kay Colmenares, sa ilalim ng Republic Act 289, ang bayani o hero ay ang taong nararapat na bigyan ng pagkilala dahil sa inspirasyon na kanyang ibinigay sa mamamayan.

Pero tanong ni Perez, sino nga ba ang taong tinutukoy na bayani?

Inulit din niya ang puna ni Associate Justice Teresita De Castro kaugnay ng kawalan ng sistema at partikular na tanggapan na tutukoy kung sino ang maaaring ideklarang bayani.

Kung sovereign will naman ang pag-uusapan, hindi raw ba maituturing na ang pagkapanalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa eleksyon ay pagsang-ayon na rin ng mga botante na maihimlay si Marcos sa Libingan ng mga Bayani?

Hindi nga naman daw lingid sa publiko na isinasakatuparan lamang ni Duterte ang kanyang naging election promise o pangako noong eleksyon kaugnay sa isyu ng Marcos burial.

Nakasandig ang tanong na ito ni Perez sa paulit-ulit na argumento ng mga petitioner na dahil ang 1987 Constitution ay niratipikahan ng mayorya sa mga Pilipino at dahil ito ay naaprubahan bilang anti-dictatorial charter, maituturing na paglabag sa diwa ng Saligang batas at sa kagustuhan ng mga Pilipino ang paghihimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Para kay Justice Perez, maituturing ba na grave abuse of discretion ang pagsasakatuparan ni Duterte sa kanyang pangako sa eleksyon lalo pa't maaari ding ipagpalagay na ang pagkapanalo ni Duterte ay nangangahulugan na ipinauubaya na sa kanya ng mamamayan ang isyu ng pagpapalibing kay Marcos?

Pero sagot ni Colmenares, ang pangunahing batayan naman ng Korte Suprema sa pagdedesisyon ay hindi ang resulta ng eleksyon kundi kung ano ang itinatakda ng batas.

Dahil napatalsik sa pwesto matapos ang People Power Revolution, hindi na kwalipikado si Dating Pangulong Marcos na mahimlay sa Libingan ng mga Bayani.

Ito ang tinukoy ni Senior Associate Justice Antonio Carpio sa gitna ng oral arguments.

Aniya, kahit pa pasok si Marcos sa ilang qualification na itinakda ng AFP Regulation dahil siya ay nagsilbing pangulo at kabilang sa mga ginawaran ng Medal of Valor, hindi pa rin siya maaring maihimlay sa Libingan ng mga Bayani dahil siya ay "dishonorably separated" sa puwesto.

Pero tanong ni Carpio, maari bang amyendahan ng bagong Pangulo ang AFP Regulations na nagtatakda ng panuntunan sa mga maaaring mahimlay sa LNMB.

Positibo ang tugon dito ni Colmenares, pero dapat umanong ikunsidera sa pagtatakda ng panuntunan ang isinasaad ng RA 289.

At bagamat may kapangyarihan ang pangulo na amyendahan ang AFP regulation, hindi naman sakop ng kanyang kapangyarihan ang pag-amyenda sa RA 289.

Para kay Carpio, paglabag din na maituturing ang paggamit ng pondo ng gobyerno sa pagpapalibing kay Marcos dahil ito ay maituturing na pribadong layunin.

At dahil ang 1987 Constitution ay resulta ng People Power Revolution na nagpatalsik kay Marcos, mahalaga rin na ito umano ay maikunsidera sa pagpapalibing sa dating Pangulo. (Beth Camia)