Sa halip umano na makatulong sa kampanya kontra ilegal na droga, tila nakaperwisyo pa ang mga tauhan ng Special Operation Unit (SOU) matapos sumiklab ang apoy sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.

Kinumpirma kahapon ni Las Piñas Police Chief Sr. Supt. Jemar Modequillo na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng SOU bago sumiklab ang sunog sa Chesa Street, Golden Acres Talon 5, Las Piñas City.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang awtoridad na may nagaganap na pot session sa nasabing lugar at nang puntahan ay mabilis na nagtakbuhan ang mga suspek, kabilang na ang isang alyas PJ.

Hinabol umano ng mga pulis si PJ na tumakbo sa loob ng isang bahay at natabig umano niya ang nakasinding kandila na naging sanhi ng sunog sa lugar.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dahil sa sunog ay naipit at namatay si Alfred Arsilla, 11, na mahimbing na natutulog sa mga oras na iyon.

Ayon kay Senior Fire Officer 4 Marvin David, ng Las Piñas City Fire Department, dakong 12:35 ng madaling araw kahapon sumiklab ang apoy.

Aabot sa 60 bahay ang naabo sa sunog na umabot ng ikatlong alarma at tinatayang P300,000 halaga ng ari-arian ang natupok. (BELLA GAMOTEA)