BALIK-BUSY schedules na naman si Alden Richards ngayon.
Last week habang nakabakasyon si Maine Mendoza, siya ang kasama nina Jose Manalo at Wally Bayola sa sugod-bahay sa “Juan For All All For Juan” segment ng Eat Bulaga at segue na iyon sa kalyeserye.
Aminado si Alden na marami siyang natututuhan sa bawat contestant na naiinterbyu nila sa bawat bahay na pinupuntahan nila at binibigyan ng konting regalo.
Bukod sa daily work sa Eat Bulaga, binigyan din si Alden ng role Encantadia, bilang si Lakan. Sino ba si Lakan?
“Hindi pa po p’wedeng sabihin kung sino si Lakan,” sagot ni Alden. “Pero masaya po ako at na-excite nang sabihin ng GMA na papasok ako sa Encantadia. Teen pa po ako nang unang ipalabas ito pero napapanood ko na rin at hangang-hanga ako sa kanilang special at visual effects, hindi ko in-expect na isang araw, gagawa ng prequel ang GMA-7 at makakasama ako.
“Medyo nanibago nga po ako sa first taping day ko kasi action agad ang ginawa ko. Mabuti na lang at kahit papaano ay alam ko pa ang mga routines at nagwu-work out din ako kapag hindi too busy sa work para fit ako sa role.”
Hindi pa sinasabi ni Direk Mark Reyes kung kailan lalabas sa Encantadia si Lakan na nasa pamilya ng mga Mulawin.
Hindi rin sure kung hanggang kailan mapapanood si Alden sa telefantasya. Ayon kay Direk Mark, depende sa maibibigay na schedule sa kanila ni Alden, na alam nilang busy sa iba pa niyang trabaho. Pero kapag kailangan talagang mag-taping ng Encantadia, inaayos ang schedule niya.
Tulad kahapon, after ng Sunday Pinasaya ay may flight siya to Cebu para mag-guest sa concert ni Stephanie sa Waterfront Hotel. After his part, balik uli siya ng Manila dahil may Eat Bulaga na today.
Magsusunud-sunod na rin ang show ni Alden sa ibang bansa, at for the first time, pupunta siya ng London for a show on October 2. May mga show din siya sa New York at sa Canada by November para sa GMA Pinoy TV.
Kaya ang tanong naman ng AlDub Nation, kailan kaya magkakasama sa isang show abroad sina Alden at Maine? Eagerly awaiting na rin sila sa next movie ng dalawa at ang ipinangakong teleserye ng GMA sa kanila. (Nora Calderon)