NASA huling apat na araw na tayo ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa mga nakalipas na araw, ang mga paaralan mula elementarya hanggang high school, sa mga pampubliko at pribado, ay may inilunsad na mga gawain at programa bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Isang natatanging gawain na nagpapatingkad upang maipakita ang pagmamahal sa wika ng ating mga ninuno at mga bayani ng lahing kayumanggi.

Ang bawat pangulo ng iniibig nating Pilipinas ay may sariling pananaw sa pagpapalaganap ng ating wikang pambansa. May mga nilagdaang Executive Order (EO) na naging malaking tulong sa pagpapahalaga at pagmamahal sa wika. Sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, nilagdaan niya ang isang EO noong Oktubre 24, 1967. Nag-aatas na lahat ng mga gusali at tanggapan ng pamahalaan ay dapat nakasulat sa Pilipino. Maging ang mga command sa Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay isinalin sa Pilipino, pati na ang mga pasaporte.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na pangarap niya ang makausap nang tuwiran ang pinakaabang mamamayan saan mang sulok ng ating bansa sa pamamagitan ng katutubong wika. Sa gayong sukatan, mithiin din ni Pangulong Marcos na tuwirang makapagpahayag ang pinakaabang mamamayan ng kanyang naiisip at nadarama sa pamamagitan ng isang wika na bumubuklod sa mga Pilipino. Nanawagan din si Pangulong Marcos na magkaisang-kilos para sa kabutihan ng bansa, kalimutan na ang walang kabuluhang pagtatalo tungkol sa wika, tungkol sa kung ano ang dapat ipangalan dito. Ang wikang pambansa natin ay Pilipino o Filipino. Sikapin nating yumabong, lumakas, maging matipuno at lubusang lumaganap sa bisa ng ating paggamit.

Nang maging pangulo naman si dating Pangulong Corazon C. Aquino, ang pagpapahayag at paggamit ng wikang pambansa ay hindi niya nakaligtaan. Sa kanyang panahon, nang mapagtibay ang Bagong Saligang Batas noong Pebrero 2, 1987, iniatas na ang wikang Filipino ay pauunlarin, palalaganapin hanggang sa ito ay maging wikang Pambansa. Sa mga talumpati ni Pangulong Corazon sa iba’t ibang okasyon at pagkakataon, ang paggamit ng Filipino ay hindi niya nakalimutan.

Tulak naman ng pagka-makabayan at papapahalaga sa sariling wika, si Pangulong Fidel V. Ramos sa panahon ng kanyang panunungkulan nilagdaan ang EO No. 1041 noong Hulyo 13, 1997. Nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wika at Nasyonalismo. Ang ginawang ito ni Pangulong Fidel V. Ramos ay ipinagpatuloy ni Pangulong Joseph Estrada. Ginamit ang sariling wika sa kanyang mga talumpati sa iba’t ibang pagkakataon.

Tulad din ng mga naging pangulo ng ating bansa, si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi nakalimot na gumamit ng sariling wika sa kanyang pagtatalumpati at sa kanyang mga State of the Nation Address (SONA) na may props pa na mga bangkang papel.

Sa panahon naman ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ang paggamit niya ng wikang pambansa ay hindi rin niya nakalimutan. Mula sa panahon ng kanyang pangangampanya hanggang sa kanyang mga SONA. (Clemen Bautista)