“SINO pa ang ipapasok nila sa Encantadia? Halos lahat na ng artista ng GMA, pasok na sa Encantadia?”
Ito ang tanong sa amin ng mga kaibigan naming nakakasilip sa fantaserye ng GMA-7.
Pagkatapos ni Miguel Tanfelix bilang si Pagaspas ng Mulawin, si Alden Richards ang susunod sa papel ng isa ring Mulawin na siyang magliligtas sa Encantadia.
Para masagot ang tanong, kinontak namin ang mga kakilala namin sa GMA para alamin kung sino ang sunod na ipapasok nila sa fantaserye pagkatapos ni Alden.
“Ha-ha-ha, ikaw talaga, Reggee, abangan mo na lang. Napapanood mo ba? Panoorin mo kasi para malaman mo ang kuwento,” sabi ng taga-Siyete.
Bihira na kaming makapanood ngayon ng teleserye sa gabi at ang naabutan na lang namin ay Bandila at O Shopping, sabi namin.
Diretso ang follow-up question namin sa aming kausap, kung pinapanood ba nila ang katapat nilang programang FPJ’s Ang Probinsyano.
“Oo naman, naka-monitor talaga kami, hindi lang naman ‘yung Probinsyano, lahat ng shows ng ABS,” pag-amin naman sa amin.
Nagagandahan ba sila sa Ang Probinsyano?
“Ha-ha-ha, alam ko namang isusulat mo ito, eh. Okay naman, maganda ang takbo ng istorya kasi kasalukuyang nangyayari sa paligid, in fairness, panalo ang Dos doon.
“Gustung-gusto namin si Coco (Martin) kapag naka-Paloma siya, ang ganda niya, ha-ha-ha,” tumatawang sabi sa amin ng taga-Siyete.
Ang huling sinabi sa amin, “Aminin mo, kinabahan din ang Dos sa Encantadia kaya nga ipinasok sina Vice (Ganda), di ba? ‘Tapos si Paloma.”
Ang sagot namin, “Kailangan pa bang kabahan, eh, namamayagpag naman na sa ratings ang primetime shows ng ABS-CBN?”