Naantala ang pagpapalabas sa ‘chalk allowance’ para sa ilang pampublikong paaralan sa bansa.
Gayunpaman, siniguro ng Department of Education (DepEd) na maipapalabas din ang pondo para sa chalk, kapag naisumite na ng mga apektadong school heads at principals ang mga kaukulang requirements.
Ayon sa DepEd Communications Division, tatlong division, kabilang ang Division of Manila, ang walang chalk allowance, dahil na rin umano sa hindi kumpletong requirements.
Samantala ‘isolated’ case lang umano ang kawalan ng chalk sa Division dahil tumanggap na umano ng chalk allowance ang mga guro sa iba’t ibang rehiyon.
Gayunpaman, maghihintay pa ng ‘chalk allowance’ ang mga guro ng Senior High School (SHS).
Nauna rito, inireklamo ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang kawalan ng chalk sa mga pampublikong paaralan, partikular na sa Manila. Ang bawat guro ay mayroong P1,500 chalk allowance na dapat ay ibinibigay tuwing Hunyo.
(Merlina Hernando-Malipot)