Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung labis na pagkapagod ang sanhi ng pagkamatay ni Jose Jamir Corpuz, 55, part-time employee ng SG Escolar Training Center at residente ng 4th Avenue, Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 5:30 ng madaling araw nang matagpuang patay si Corpuz sa bahay ng kanyang katrabaho na si Ronaldo Rodriguez, ng 4844 Mangga Street, Sta. Mesa, Maynila.
Nauna rito, nagpasya umano ang biktima na makitulog na lang sa bahay ni Rodriguez matapos umanong mapagod sa maghapong trabaho sa SG Escolar Training Center, na matatagpuan sa EDSA corner Boni Serrano Avenue, Mandaluyong City.
Sa salaysay sa pulisya ni Rodriguez, huli niyang nakita ang biktima nang humingi ito sa kanya ng isang basong tubig dahil masama na umano ang pakiramdam nito.
Nang makainom ng tubig, bumalik na sa pagtulog ang dalawa at nagdesisyon pang magpatay ng ilaw upang maging mahimbing ang kanilang pagtulog.
Paggising umano ni Rodriguez dakong 5:30 ng madaling araw ay laking gulat niya nang mapansing wala nang buhay ang kaibigan at agad ini-report sa mga awtoridad. (Mary Ann Santiago)