Muling bubuksan ng Canada ang mga pintuan nito sa mas maraming Pilipino at iba pang banyagang manggagawa upang matugunan ang napipintong kakulangan sa puwersang paggawa sa sektor ng transportasyon nito, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Binanggit ang mga ulat mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Asia Pacific Gateway Skills Table’s (APGST), inihayag ng DOLE na nangangailangan ngayon ang Canada ng halos 36,000 manggagawa para sa sektor ng transportasyon nito.

Mahigit o 56 porsiyento ng mga bakanteng trabaho ay sa Canadian airlines industry. Kabilang sa mga bakanteng posisyon ang air pilots, flight engineers, at flying instructors.

“There is a looming labor shortage in transportation industry in western provinces of Canada on account of workers retiring, moving out of the province, or leaving industries involved with international trade,” saad sa pahayag ng DOLE.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Ang apat na probinsiya ng Canada na inaasahang mahihirapan sa kakulangan ng manggagawa ay ang Alberta, British Columbia, Manitoba, at Saskatchewan.

“British Columbia (B.C.) is expected to have the heaviest reliance on foreign workers to manage its labor supply growth as it is presumed in the loss of 27 percent of its workforce,” sabi ng DOLE.

Sinabi ng DOLE na gagamitin nito ang ulat ng DFA upang magbalangkas ng mga kinakailangang polisiya para sa pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFW) sa Canada.

Nitong unang bahagi ng buwan, inanunsiyo ng DOLE na sinimulan na nito ang pakikipag-usap sa Canadian government upang bumuo ng mga bagong labor bilateral agreement para itaas ang bilang ng mga ipadadalang Pinoy medical workers sa Canada. (SAMUEL P. MEDENILLA)