KUMALAT sa social media ang pictures nina John Lloyd Cruz at Maja Salvador na magkasama sa outing sa Pearl Farm sa Malipano Island sa Davao.
Ang nasabing photos ay mula sa Instagram post ng Star Magic handler nina John Lloyd at Maja na si Neneth Rustia na kasama nila sa maikling bakasyon.
Naganap ang kanilang side trip bago pinangunahan nina John Lloyd at Maja ang Kapamilya Karavan show sa Davao City na nagdiriwang ng Kadayawan Festival.
Dahil nagkaroon ng espekulasyon na baka raw may namumuong pagtitinginan sa dalawang Kapamilya star, agad nilinaw ng kanilang handler na walang ibang kahulugan ang outing at pati na ang panonood ng sine ng dalawa kamakailan.
Sinuportahan lang daw nina John Lloyd at Maja ang pelikula ng kapwa Star Magic artists nilang sina Gerald at Bea.
Naugnay kamakailan si John Lloyd sa madalas na leading lady na si Bea, samantalang si Maja ay ex-girlfriend naman ni Gerald.
Nagiging malikot tuloy ang imahinasyon ng fans. Dahil umuugong na nagkakabalikan sina Gerald at Bea, baka raw “gumaganti” sina Maja at John Lloyd.
Pero malinaw ang pagtanggi ng handler nina Maja at Lloydie. Paniwalaan natin. Sa ngayon. Sa ngayon daw, o!
(Ador Saluta)