“DIYOS ko, hindi, magtatay ‘yan! Tatay ang tawag ni Maja (Salvador) kay John Lloyd (Cruz).”
Ito ang natatawang sabi sa amin ng taga-ABS-CBN nang tanungin namin kahapon.
Viral kasi sa social media ang mga litratong magkasama sina Maja at Lloydie sa isang beach sa Davao na naka-bathing suit ang dalaga na sexy sa paningin ng mga nakakita.
Bagamat may mga kasama ang dalawa, hindi maiwasan ng netizens na mag-isip na posibleng may namumuong magandang pagtitinginan kina Maja at JLC na parehong single ngayon.
“Ano ba? Wala talaga kasi nakalakihan na ni Maja si John Lloyd na ‘kuya-kuya’ talaga, kaya imposible talagang mangyari ang iniisip ng lahat,” hirit pa ng kausap namin. “Saka iisa ang handler nila, pamilya ‘yan, wala ‘yan.”
Katwiran namin, bakit sina Bea Alonzo at Zanjoe Marudo, iisa rin ang handler pero nagkagustuhan?
“Ibang kaso naman ‘yun,” mabilis na katwiran sa amin. “Nakikitaan ba ng malisya sina Maja at John Lloyd? At saka kung may something, hindi ‘yan ipo-post, siyempre ililihim nila.”
Nagtanong din kami sa ibang artistang ka-close ng dalawa sa Star Magic.
“Sina Maja at John Lloyd? Wala, magkaibigan lang sila, may show sila sa Davao, ‘tapos nag-bonding na. Hindi ‘yan, maniwala ka sa akin. Di ba, dati nagtanong ka rin tungkol naman kina Bea at John Lloyd kasi laging magkasama after ng break-up nila ni Zanjoe? O, kitam, hindi totoo.
“Si John Lloyd kasi kapag gusto niya ang babae, inaamin niya, eh, si Bea di ba, ilang beses niyang sinabing magkaibigan lang sila? Walang Basha at Popoy talaga.
“O, ngayon, Maja at John Lloyd naman? Ano ito, Popoy and Trisha (role ni Maja sa One More Chance)?” natatawang sabi ng aktres na malapit kina Maja at Lloydie.
Oo nga pala, kasama si Maja as third party sa pelikula nina Bea at Lloydie.
As of now ay ini-enjoy daw nina Maja at John Lloyd ang pagiging single ayon naman sa obserbasyon ng iba pang mga kakilala namin na malapit sa dalawa.
“Wala sa plano nila ang magdyowa ngayong taon, concentrate lang daw muna sila sa work nila,” sabi sa amin ng aktres na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Hayan, klaro na po. (REGGEE BONOAN)