MASAYANG-MASAYA si Daniel Padilla nang mapanood finally ang teaser ng bagong pelikula nila ni Kathryn Bernardo, ang Barcelona: A Love Story Untold.
“Hayun nga ‘yung Barcelona very excited na kami lahat na ipalabas na,” sabi ni Daniel sa isang panayam. “Kahit kami nina Kathryn, Inang (Direk Olive Lamasan) sobrang excited na. Ang sarap kapag hindi minamadali ang eksena, talagang lahat tutok.”
Maraming bago, may mga sorpresa sa kanilang bagong pelikula dahil ibang level na raw ang roles na gagampanan nila.
Ikagugulat ng kanilang fans ang mga eksena nina Kathryn at Daniel.
Bagay na bagay sa love team ang proyekto, kaya lumabas na natural ang kanilang pag-arte sa mga eksena nila.
“Seryoso na talaga itong movie namin, pero siyempre ‘di naman sobra, pero seryoso na tayo. Ang galing ng transition, ‘sakto sa edad namin ni Kathryn, walang pilit,” ani Daniel.
Tiniyak nina Daniel at Kathryn na kikiligin pa rin ang kanilang fans once na napanood nila ang movie na kinunan pa sa Spain.
“Puwede naman tayo magpakilig na seryoso na ang atake. Siyempre mga fans namin tumatanda na rin sila, ‘yun na rin hinahanap nila sa amin,” pahayag ng aktor. (ADOR SALUTA)