TAUN-TAON, idinaraos sa iniibig nating Pilipinas ang isang buwang pagdiriwang ng ating pambansang wika—ang Filipino. Tulad ng maraming bansa sa mundo, ang ating Bayang Magiliw ay nasa tamang daan (hindi tuwid na daan ng rehimeng Aquino na ipinangalandakang slogan na ang paniwala naman ng marami nating kababayan ay lubak-lubak at bangin pa ang dulo) sa paghahanap ng patutunguhan upang mapalawak ang paggamit at pag-unawa sa pambansang wika.
Ang pambansang wika ang nagbubuklod sa ating lipunan dahil ang kultura, kaugalian at tradisyon ay higit na nakaugat sa mga salita at pagpapahayag na kasama ang ating wika at sa kabuuan, ang malawak na paggamit ng pambansang wika ay nagpapahintulot sa mas epektibong paghahatid ng impormasyon sa mas malaking bahagi ng populasyon.
Ang radyo at telebisyon ay dalawang halimbawa ng mabilis na paghahatid ng mga impormasyon. Sa pamamagitan ito ng mga balita na binabasa ng mga news anchor at reporter. Sa paghahatid sa wikang Filipino, higit na nauunawaan ng ating mga kababayan. Ngunit sa pagbabalita, hindi pa rin maiwasan na may mga news anchor ang maling bigkas ng mga salita. Nararapat lamang itong ituwid agad sapagkat baka akalain ng mga manonood at tagapakinig na tama ito.
Ang diwa ng isang bansa ay nadarama sa pamamagitan ng sariling wika, kasaysayan, at sa gawa at kilos ng mamamayan. Hindi maaaring ihiwalay ang wika sa pagkatao ng isang bansa. Ang bayang tatalikod sa sariling wika ay hindi nagiging tapat sa sarili at sa kanyang karangalan.
May mga kababayan tayo na nagsasabing mas mahalaga ang wikang Ingles kung ihahambing sa Filipino. Totoo na sa panahon ngayon, malaking tulong ang mahusay sa Ingles. International language o pandaigdigang wika ang Ingles sa negosyo, computer, Internet. Ang Ingles ang pangalawa nating wika. Ito’y nagsisilbing dagdag na lakas sa pakikipag-ugnayan sa buong mundo. Ngunit, dapat maisip ng mga nalasing sa Ingles at ng mga may colonial mentality na may katangian ang Filipino na wala sa Ingles.
Alin mang wika ay tulad ng isang puno. Lumalago sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga karagdagang salita bunga ng patuloy na pagbabago sa lipunan, kapaligiran at ng buhay.
Walang kabuluhan ang isang wikang pambansa kung hindi naman ginagamit sa lipunan, pamahalaan at paaralan. Masasabi lamang na may wika ang isang bansang malaya kung ang wikang pambansa ay ginagamit, tinatangkilik, inaalagaan at pinalalaganap ng mga tao para sa sambayanan. Ang wika ay kasangkapan sa pambansang pagpapaunlad.