Nagkasama sa sarap, magkasama pa rin sa hirap ang magkapatid na lalaki na kaapelyido ng “pork barrel” queen na si Janet Lim Napoles, matapos silang ipakulong ng ina ng dalagitang halinhinan umano nilang hinalay sa Malabon City.

Sinampahan ng kasong rape in Relation to RA 7610 sa Malabon City Prosecutor’s Office sina Dominador Naploes, 35 at Rodrigo, 32, kapwa residente ng Macopa Road, Barangay Potrero ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ng biktima, 11, kay P01 Diana Palmores ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Malabon Police, unang beses siyang hinalay ng magkapatid noong Pebrero 2015, dakong 12:00 ng tanghali.

Itinaon umano ng mga ito na wala ang nanay ng dalagita.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Tinakot daw ng mga suspek ‘yung victim na huwag magsusumbong sa ina kasi may mangyayaring masama sa kanila,” pahayag ni PO1 Palmores.

Muli umanong hinalay ng magkapatid ang biktima noong Marso 8, 2016, dakong 6:00 ng gabi at katulad ng dati, nagsawalang-kibo lamang ito.

At nitong Martes, dakong 7:00 ng gabi, nagpasasa na naman umano ang magkapatid sa murang katawan ng dalagita.

“Hindi na nakatiis ‘yung dalagita at ipinagtapat na sa nanay niya ang kawalanghiyaang ginagawa sa kanya ng magkapatid,” sambit ni P01 Palmores.

Pasado 9:00 ng gabi, inaresto ng mga awtoridad ang magkapatid na Napoles. (Orly L. Barcala)