Pinagsasaksak muna saka tinakpan ng sako ang nakapuwestong parang palaka na lalaking obrero ng hindi nakilalang suspek sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Pitong tama ng saksak sa katawan at tatlo sa ulo ang tinamo ni Cobio Valles, 31, construction worker, ng Gasangan, Baseco Compound, Port Area.

Blangko pa ang awtoridad sa pagkakakilanlan ng tumakas na salarin.

Batay sa ulat ni SPO3 Milbert Balingan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong 5:00 ng umaga nang nadiskubre ang bangkay ng biktima na natatakpan ng sako at bahagyang nakalubog sa tubig na tigmak ng dugo, sa harap ng isang bahay sa Block 1, Gasangan sa Baseco.

National

VP Sara Duterte, binisita si Ex-VP Leni Robredo sa Naga

Nauna rito, nakipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan at umuwi lamang nang sunduin ng kanyang live-in partner na si Mylene Segundo, 32 anyos.

Lingid sa kaalaman ni Segundo, muling lumabas ng bahay si Valles kaya ganun na lang ang gulat niya nang tawagin siya ni Rene Boy Espinosa, tanod ng Barangay 649, Zone 68, para sabihing natagpuan ang bangkay ng kanyang kinakasama.

Inaalam na ng awtoridad kung sino ang may kagagawan ng krimen at ang motibo nito. (Mary Ann Santiago)