“Deal with me in government in good faith.”

Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP) na hinamon niyang patunayan ang sinseridad nito sa prosesong pangkapayapaan.

Nagalit sa ginawang pag-atake ng New People’s Army (NPA) na ikinamatay ng isang miyembro ng CAFGU at ikinasugat ng apat na iba pa ilang araw makaraan siyang magdeklara ng unilateral ceasefire, sinabi ng Pangulo na hindi siya nagsinungaling nang ipahayag niya ang tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA.

“I dealt with you in good faith. You tell me if you are not ready to deal in the same manner,” sinabi ng Pangulo nang bumisita siya sa burol ng napatay na CAFGU member na si CAA Panggong S. Komanod, sa headquarters ng 60th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Asuncion, Davao del Norte nitong Biyernes.

‘Bakuna Eskwela’ program ng DOH, DepEd, aarangkada

“I decided to declare a unilateral ceasefire because I know that the Philippines needs peace to survive in the coming generation. Actually, this is not for us, it is for our children,” aniya.

Nagdeklara si Duterte ng unilateral ceasefire sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, ilang linggo bago simulan ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa CPP-NPA sa Agosto.

Ngunit pagkatapos ng pag-atake sa Davao del Norte, sinabi ni Duterte: “Hindi ko malaman ngayon, whether they (CPP-NPA) are really (into the peace talks).”

“So, I’d like to issue this statement: Hindi ko kayo tinatakot. ‘Pag ayaw ninyo, okay sa akin. We fight for another generation. Okay sa akin. Wala na akong magawa,” ani Duterte.

Kaugnay nito, binigyan ng Pangulo ng hanggang 5:00 ng hapon kahapon ang mga rebelde upang magdeklara rin ng tigil-putukan.

“If I do not hear a word from you then I will lift the order of ceasefire,” babala ni Duterte.

Sinabi naman kahapon ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na magpapatuloy ang peace talks sa CPP sa Agosto 20-27 sa Norway, kahit pa bawiin ng Pangulo ang ceasefire. (Elena L. Aben)