Hindi na nasilayan ng isang ginang ang sikat ng panibagong araw matapos na matagpuan siyang wala nang buhay sa tinulugan niyang pedicab sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Matigas na nang madiskubre ang bangkay ni Anarita Torio, 40, ng 2230 Interior 8-A, Leveriza Street, Malate.

Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong 5:30 ng umaga nang madiskubre ng kanyang mga kaibigan si Torio na wala nang buhay sa loob ng tinulugan nitong pedicab na nakaparada sa Paraiso ng Batang Maynila sa Asuncion Street sa Malate.

Sa pahayag sa pulisya ni Letty Molina, kaibigan ni Torio, nakikipag-usap siya sa kanyang mga kaibigan hindi kalayuan sa kinaroroonan ng biktima nang mapansin niya ang kakaibang hitsura nito.

National

Mary Jane Veloso, makakauwi na ng 'Pinas bago mag-Pasko – Indonesian official

Sinabi ni Molina nilapitan niya ang biktima pero laking-gulat niya nang madiskubreng naninigas na ito, at isa na palang malamig na bangkay.

Ipinagbigay-alam nila ang insidente sa live-in-partner ni Torio na si Adrian Quitain, na parking attendant sa lugar.

Sinabi naman ni Quitain sa mga awtoridad na matagal nang iniinda ng kinakasama ang sakit nitong tuberculosis, at posibleng ito ang ikinamatay ng ginang. (Mary Ann Santiago)