NOONG nakaraang Linggo, dahil sa sobrang abala sa paglilinis sa kanyang sasakyan, laking gulat ni Boy Commute nang mapansin na 5:30 ng hapon na pala. Dali-dali siyang naligo at nagbihis upang makahabol sa misa sa kalapit na simbahan.

Dahil sa hirap makahanap ng paradahan sa lugar, laging sumasakay si Boy Commute ng tricycle sa kanyang pag-iikot sa kanilang komunidad tuwing Linggo.

Sa simbahan man o palengke, mas pinipili ni Boy Commute ang tricycle kaysa gamitin ang kanyang sasakyan.

Mas maginhawa para kay Boy Commute na may nagmamaneho para sa kanya sa halip na maimbiyerna siya sa pagmamaneho dahil kahit Linggo, walang kawala ang mga motorista sa trapik.

National

Guanzon, binalikan dating pahayag ni Willie hinggil sa politika: ‘Igiling-giling talaga!’

Madaling nakasisingit ang tricycle sa trapik. Maliksi, parang paslit na nakawala sa hawla.

Bagamat mas mahal ang pasahe kumpara sa jeepney na P7 sa unang apat na kilometro, marami pa rin ang sumasakay sa tricycle na ang singil ay P10, at umaabot sa P50 kapag special trip.

Mistula kang “naholdap” pero mas mabilis dahil mas madaling mapuno ng pasahero.

Anim ang pasahero at kung may magtatiyagang umupo sa kapiranggot na upuan na pahilis sa loob ng sidecar, kaya hanggang pito.

Hindi bago ang mga insidente ng nabobosohan na kababaihan sa tricycle. Napakababa ang posisyon ng mga upuan at kailangang yumuko sa pagpasok sa sidecar.

Mas kaawa-awa ang mga nakasakay sa likuran na back-to-back ang disenyo.

Makipot ang entrada at masikip ang upuan na pangdalawahan lang.

Pagsapit ng dilim, halos mabulag ang mga pasahero sa likuran dahil sa nakatutok na ilaw ng kasunod na sasakyan.

Karamihan sa mga driver ay ‘tila walang konsiderasyon at hinahayaang masilaw ang mga pobreng pasahero ng tricycle.

At kung matindi ang traffic, halos matunaw ang make-up ng mga babaeng pasahero sa init ng makina ng sasakyan na halos nakadikit na sa likuran ng tricycle.

Nagmumura na ang pasehero ng tricycle dahil sa pagtutok ng sasakyang sumusunod, pero dedma lang ang driver nito.

Patigasan ng mukha ang labanan.

Kung hindi na mababago ang disenyo ng mga tricycle na mayroong back-to-back na upuan, sana’y magbago ang asal ng mga driver ng ibang sasakyan na bumubuntot sa mga three-wheeler na ito.

Konting konsiderasyon naman, mga amigo. Alam n’yo na kung gaanong kahirap makakakuha ng masasakyan, lalo na tuwing rush hour, kaya huwag n’yo nang palalain ang kalbaryo ng mga pasahero.

Tandaan n’yo, umiikot ang mundo. Hindi malayo ang posibilidad na isang araw ay kayo naman ang mauupo d’yan sa back-to-back seat ng tricycle. Karma-karma lang ‘yan. (ARIS R. ILAGAN)