Patay at hindi nakalusot ang dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) sa ikinasa nitong “Oplan Sita” sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang isa sa mga ito na si Joven Dabu, 27, ng Berang Bukid, Sta. Rosa, Nueva Ecija, habang inilarawan ang kasama nitong nasa edad 30-35, nakasuot ng brown T-shirt at maong na pantalon, kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Police, dakong 2:45 ng madaling araw nagsasagawa ng Oplan Sita ang TMRU personnel sa C5 Extension, Pulang Lupa Uno nang sitahin at pahintuin ang mga suspek dahil walang suot na helmet ang mga ito.

Ngunit sa halip na huminto, pinaharurot pa umano ng mga suspek ang sinasakyang motorsiklo kaya agad nagpaputok ng warning shot ang mga pulis ngunit binalewala pa rin ng mga ito.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Sa kainitan ng habulan, pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis kaya’t napilitan ang mga itong gumanti at makalipas ang ilang minuto, duguang bumulagta sa semento si Dabu at kanyang kasama.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Southern Police District ang isang kalibre .38 na baril, isang kalibre .45 pistol, anim na sachet ng shabu at drug paraphernalia. (Bella Gamotea)