Hindi umubra ang lakas at diskarte ng isang pinaghihinalaang big time drug lord matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), habang arestado naman ang apat pang Chinese nationals na pinaniniwalaang mga chemist, nang salakayin ang umano’y shabu laboratory sa Barangay Lingunan, Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa inisyal na ulat, nakilala ang napatay na suspek na si Mico Tan.

Si Tan, ayon sa PNP, ay isang big time drug personality na kakutsaba ng isang Jackson Dy, na nagpapatakbo umano ng shabu laboratory sa Naic, Cavite, na una nang nakumpiskahan ng 600 kilo ng shabu.

Sangkot din umano si Tan sa isang tagong laboratoryo sa Scout Chuatoco, Quezon City, kung saan nasamsam naman ang 70 kilo ng shabu at 3,500 kilo ng ephedrine na kinumpiska ng mga operatiba ng PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF).

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

“Meron na tayong drug lord na Chinese. Hindi ‘yung puro kayo reklamo na puro mahihirap na pusher ‘yung napapatay.

Drug lord talaga ito na Chinese. Malaki ‘to,” ayon kay PNP Chief Police Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na personal na nagtungo sa lugar.

Ayon sa pulisya, nangyari ang engkuwentro matapos maghain ng search warrant ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Special Enforcement Service (PDEA-SES), PNP Anti-Illegal Drugs Group, Valenzuela City Police Office, Northern Police District (NPD), at Highway Patrol Group (HPG).

Nang papasukin na ng mga awtoridad ang lugar, isang puting Honda Civic, na may plakang ZEV-295 ang umandar at nadiskubreng si Tan ang nakasakay nang pagbabarilin nito ang mga pulis.

Agad gumanti ang mga pulis at pinaulanan ng bala ang sasakyan ng suspek hanggang ito’y mapuruhan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Bukod kay Dela Rosa, nagtungo rin sa crime scene si PDEA Director General Isidro Lapeña.

Sa insidente naaresto ang apat pang Chinese nationals na nadatnan sa loob ng nasabing shabu laboratory.

Mismong si Dela Rosa ang nag-inspeksiyon sa laboratoryo at isa- isang kinausap ang mga suspek matapos ihain ang search warrant. (FER TABOY, ORLY BARCALA at FRANCIS WAKEFIELD)