Angeline copy copy

RIOT ang trailer ng pelikulang That Thing Called Tanga Na mula sa direksiyon ni Joel Lamangan at pinagbibidahan nina Erik Quizon, Kian Cipriano, Martin Escudero, Angeline Quinto at Billy Crawford na sinuportahan naman nina Nikki Valdez, Jerald Napoles, Ken Alfonso, Lawrence Yap, Luke Conde, Vangie Labalan, Paolo Gumabao at Albie Casiño.

Lahat ng lalaking cast ay gumaganap na mga bading at si Angeline lang ang nag-iisang babae na bakla rin ang ugali at nakapangasawa ng boylet ng gay.

Kuwento ng singer/actress, hindi naman siya nailang sa set na puro bading ang kasama pero barako sa tunay na buhay dahil halos lahat naman ng kasa-kasama niya araw-araw ay gays.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“Sa personal na buhay po ay marami akong kaibigan na bakla noon pa po noong nasa Sampaloc pa po ako hanggang ngayon ay mga kaibigan ko pa rin kaya hindi naman ako nahuhuli sa mga bagong lengguwahe nila.

Saka ‘yung mga katrabaho ini-enjoy namin lalo na si Direk Joel hindi naman niya ako pinababayaan, nakakatuwa kasi na-share ko nga kay Direk Joel na sobrang idol ko si Maricel Soriano na lahat ng comedy films niya na ginawa ko noon, siya po ‘yung isa sa inspirasyon ko kapag gumagawa ako ng mga ganitong project na kailangan maging masayahin, nakakatawa, OA.

“Sabi ko po, before pa kay Ate Vice (Ganda) na idolo ko, eh, si Ms. Maricel na talaga at ‘yung nagsu-supervise sa amin sa dubbing isa sa nagsu-supervise sa mga movie ni Ms. Maricel Soriano kaya nakakatuwa. 

“Hindi ko maipaliwanag po talaga na lahat ng mga pangarap ko ay unti-unting lumalapit sa akin, si Direk Joel na napaka-supportive sa akin na direktor kahit na first time naming magkatrabaho na kapag may hindi ako naiintindihan o nagagawa ‘yung gusto niya na gagawin ay ayos naman po kaagad kasi tinutulungan niya ako,” kuwento ni Angge.

Naging tanga na ba sa pag-ibig si Angeline?

“Siguro naman po lahat tayo naranasan ‘yun lalo na po ako kasi kapag nagmamahal ako, minsan hindi ko na naiisip ‘yung sarili ko. Pero kung naging tanga man ako sa pag-ibig noon, marami rin naman akong natutunan, hindi ko na babalikan, mature na ako, ‘no?” tumawang sagot ng dalaga.

Kung naging tanga siya sa pag-ibig, sino ang guy at paano siya naka-move on?

“Non-showbiz po ‘yun, wala na po ‘yun at saka masaya na rin siya sa buhay niya rin,” kaswal na sagot ng singer/actress.

Inamin din ni Angge na nu’ng panahong baliw siya sa pag-ibig, ang hiningan niya ng tulong ay si Vice Ganda na nag-alala sa kanya nang husto.

“Hindi ko nga po alam na nu’ng tinawagan ko siya (Vice) ay kasama pala niya ang dyowa niya at maski 2 AM ay talagang pinuntahan niya ako para damayan at pakalmahin at tatlong oras kaming nag-usap at sa bandang huli ay tawa na ako nang tawa, nakalimutan ko na ‘yung problema ko,” kuwento ng dalaga.

Sa pakikipag-usap kay Angeline pagkatapos ng Q and A, kinulit namin siya kung sino ang nakarelasyon niya dahil hindi naniniwala ang mga katoto na non-showbiz ito.

“Non-showbiz nga po,” mariing sagot ng dalaga.

Samantala, nagkatawanan ang lahat sa presscon nang sabihin ni Angeline na malaking kawalan sa mundo ang mga beki dahil pinasasaya nila ang kapaligiran.

Pabor ba si Angeline sa same sex marriage?

“Ako po, hindi naman po ako against sa same sex marriage kasi unang-una po ang dami kong kilala na parehong lalaki at babae ikinasal saka minsan may mga nag-i-invite pa po sa akin na kumanta sa kasal nila, eh, di trabaho rin ‘yun, so malaking tulong naman po sa akin. Kaya bakit naman ako magiging against, di ba? Saka willing naman po silang magbayad ng tama (tawanan ang lahat), totoo po ‘yun, may mga nasa ibang bansa pa nga at legal po doon,” seryosong kuwento ng dalaga.

Itinanong si Erik Santos kay Angeline at kung ano ang real score nila dahil biglang huminto na sa panliligaw sa kanya.

“Gusto po kasi ni Erik mag-asawa na kasi nga nasa marrying age na siya, eh, hindi pa po ako handa, marami pa akong dapat gawin na hindi ko pa naibibigay sa pamilya ko. Saka ayaw pa po akong pag-asawahin ng mama ko,” paliwanag ni Angeline.

Binalikan namin ng tanong si Angge sa sinabi niya noon sa panayam namin sa kanya sa Divas Concert in Manila na tuwing umaga ay naghahanap si Mama Bob niya ng mga batang naglalaro sa bahay nila at kailan daw ito bibigyan ng apo.

Sa madaling sabi, hindi siya tatanungin ng Mama Bob niya na bigyan ito ng apo kung hindi payag na mag-asawa na siya.

“Ay, ayaw pa po akong pag-asawahin talaga, gusto lang magbuntis ako, hindi ako pakakasal. Sabi ko nga, hindi ba puwedeng mag-ampon na lang?

“Sabi po ng Mama Bob ko, ‘ampon ka na nga, kukuha ka pa ng ampon.’ Gusto po niya ay anak ko talaga,” paliwanag ni Angge.

Kaya alam mo na, Bossing DMB hindi mag-aasawa si Angge pero puwede siyang magpabuntis.

Anyway, mapapanood na sa Agosto 10 ang That Thing Called Tanga Na, ang nakakabaliw sa katatawanang pelikula ng Regal Entertainment. (Reggee Bonoan)