Patay ang dalawang lalaki matapos salakayin ng mga suspek na lulan ng motorsiklo sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Makati City, kahapon ng umaga.

Naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ng mga residente ang biktimang si Warly Tante, 29, ng Barangay Guadalupe Viejo, sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril.

Nakita ng mga residente ang pagdating ng apat na suspek na pawang nakasuot ng maskara at sakay ng dalawang motorsiklo, bago pinaulanan ng bala ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay sa Bernardino St., Bgy. Guadalupe Viejo.

Sa pahayag sa awtoridad ng kaanak ng biktima, si Tante ay kilalang gumagawa ng ilegal na koneksiyon ng kuryente sa kanilang lugar na posibleng dahilan ng pamamaslang.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Bukod dito, nagtutulak din umano ng ilegal droga si Tante sa kanilang lugar sa loob ng anim na taon at miyembro ng isang robbery group na nambibiktima sa mga pasahero sa EDSA-Guadalupe.

Samantala, dead on the spot ang isang umano’y drug user na kinilalang si Raphy Macaraig, 30, matapos siyang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek, sa harapan ng isang karinderya sa panulukan ng Trabajo at J.P. Rizal Streets, Bgy. Olympia.

Naglalakad umano ang biktima sa lugar nang paputukan ng suspek ng apat na beses na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaslang sa mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng Makati City Police sa naturang mga insidente. (Bella Gamotea)