SINGAPORE (Kyodo) – Nagpasya ang Association of Southeast Asian Nations na huwag nang maglabas ng anumang joint statement sa desisyon ngayong linggo na nagbabasura sa pag-aangkin ng China sa buong South China Sea, sinabi ng isang impormante sa ASEAN nitong Huwebes.

Inimpormahan ng Laos, kasalukuyang chair ng grouping, ang 10 kasaping estado noong Miyerkules ng gabi na hindi na maglalabas ang ASEAN ng joint statement dahil sa hindi pagkakasundo.

“We gave up on issuing the ASEAN statement. The chair informed us this is because no consensus could be reached,” sabi ng source.

Isiniwalat ng source na tinatalakay ng mga miyembro ng ASEAN ang posibilidad ng paglabas ng joint statement matapos ihayag ng Permanent Court of Arbitration ang desisyon nito noong Martes sa arbitration case na idinulog ng kapwa miyembrong Pilipinas.

National

4.4-magnitude na lindol, tumama sa Davao de Oro

Tumanggi ang source na ibunyag ang mga detalye kung aling mga bansa ang tumutol sa joint statement, ngunit dati nang nagpahayag ang Cambodia, isa sa pinakamalapit na kaalyado ng China sa Southeast Asia, ng pagtutol sa ganitong hakbang.

Ang ASEAN ay binubuo ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, the Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.