SYLVIA_photo by dmb copy copy

KUNG kailan nagkakaedad ay saka naramdaman ni Sylvia Sanchez ang magandang takbo ng kanyang career. Sa tagal na niya sa showbiz, feeling ng aktres ay ngayon lang niya naabot ang kanyang tagumpay.

Si Sylvia kasi ang bida sa pinakabagong seryeng The Greatest Love na ipapalit na Super D na pinagbibidahan ni Dominic Ochoa at magtatapos na sa Biyernes, July 15. Lahat ng nakakapanood ng teaser ng The Greatest Love ay nagsasabing tiyak na magugustuhan ito ng televiewers.

Walang duda, biggest break talaga ni Sylvia ang papel niya sa The Greatest Love kasama sina Andi Eigenmann, Dimples Romana, Aaron Villaflor, Matt Evans at maraming iba pa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Inspired si Sylvia at talagang ibinibigay na raw niya ang lahat sa mga eksena niya sa naturang drama serye.

“Kinakarir ko na ang bawat eksena ko rito. Sobrang inspirado at talaga namang kung ikukumpara sa mga nagdaan kong mga soaps, eh, dito ko yata ibinuhos ang lahat. Kumbaga, kung sa mga nakaraan kong project, eh, okey lang ako, medyo parelaks-relaks lang, Pero dito, eh, hindi p’wede ‘yung dating ganu’n ko,” kuwento ng premyadong character actress na main actress na ngayon.

Nang lumabas at napanood ng mga kakilala at kaibigan niya ang teaser ng The Greatest Love, marami agad ang nagsitawag sa kanya. Hindi na rin mabilang ang natatanggap niyang messages na pawang mga papuri sa ipinakita niyang pagganap ang sinasabi.

“Kaya tuloy, eh, sobrang napi-pressure talaga. Kaya dapat lang na mas lalo kong pagbutihan ‘yung mga susunod kong gagawing mga eksena,” sey ni Ibyang.

Inang mayroong Alzheimer’s disease ang papel na gagampanan ni Sylvia sa The Greatest Love kaya ganoon na lang ang ginawa niyang paghahanda. Kinailangan niyang mag-research tungkol sa mga pasyente na may ganitong karamdaman.

“Ako mismo nagpupunta doon sa may mga Alzheimer’s, ‘yung mannerism, ano ‘yung mata niya, basta kung ano siya kapag umaatake ‘yung ganu’n klaseng sakit,” sambit ni Sylvia.

Samantala, sa mahigit dalawang dekada sa showbiz ay ngayon lang daw naging sunud-sunod ang kanyang magagandang proyekto at dagdag pa rito ang blessings din na ibinigay ng Diyos sa mga anak niya.

“Sa totoo lang, eh, sobrang pasasalamat ko talaga sa Itaas. Kung kailan ako nagkakaedad ‘tsaka naging ang ganda ng career ko ngayon, at pati na rin sa mga anak ko. In His time,” sabi pa ng dating sexy actress turned character actress, turned lead actress na si Sylvia Sanchez. (JIMI ESCALA)