SUBIC, Zambales - Dalawang pinaghihinalaang drug pusher ang napatay habang arestado ang dalawang kakutsaba ng mga ito matapos umano silang makipagbarilan sa pulisya, sa isinagawang buy-bust operation dito, nitong Sabado.

Isisilbi sana ng mga operatiba ng Subic Municipal Police, Provincial Public Safety Company at Zambales Police Provincial Office ang search warrant laban sa bahay ng isang “Braycel Dalpaki”, isang Muslim, sa 6B, Barangay Calapacuan, Subic, Zambales.

Ayon sa pulisya, nagtangkang tumakas ang apat na suspek mula sa bahay ni Dalpaki makaraang matunugan ang pagdating ng mga pulis sa lugar.

Dalawa sa apat na suspek, na nakilalang sina Isnani Rhenie Sabturani at Abdurasul Abdurasib, alyas “Manong”, ang nakipagbarilan sa pulisya kaya lumaban ang mga ito at nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Nabawi sa mga napatay ang dalawang paltik na caliber .38 revolver, isang .9mm Ruger pistol, apat na sachet ng shabu, P7,812 cash, at isang US$1 bill.

Matapos ng ilang minutong habulan at barilan, nakorner din ng awtoridad ang dalawa pang suspek na sina Gani Okeria Hujaji at Abdul Moen Karem, na nakuhanan ng isang paltik na caliber .38 revolver na may tatlong bala, at sari-saring drug paraphernalia.

Wala naman si Dalpaki, na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, sa kanyang bahay nang salakayin ito ng mga pulis. - Franco G. Regala