Matapos ang maalinsangang tag-araw, dumating na ang tag-ulan—ang paborito ng mahihilig sa kape at maginaw na gabi.

Tunay namang nagdudulot ng kaginhawahan ang malamig na klima at ang ulan na dulot nito, ngunit nagdadala rin ito ng iba’t ibang uri ng peligro at sakit.

Mayo 24 opisyal na nagsimula ang tag-ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA). Babala rin ng PAGASA, pagkatapos ng El Niño ay mararanasan naman ng bansa ang La Niña.

Ang La Niña ay phenomenon na ang temperatura ng ocean surface sa gitna at silangang Pasipiko ay may mataas kaysa normal. Kung ang El Niño ay nagdudulot ng matinding tagtuyot, labis na pag-ulan naman ang hatid ng La Niña, at mas maraming bagyo ang tatama sa bansa, na karaniwang nagiging dahilan ng baha at pagguho ng lupa.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Maraming tao ang sinasamantala ang panahong ito upang magbabad at magsaya sa ulan, ngunit ano ang kasiyahan kung magdudulot naman ito ng sakit na nakahahawa, partikular na ang ubo’t sipon, pati na ang lagnat.

Usong-uso rin ngayon ang mga sakit sa balat, gaya ng alipunga at pagkakaroon ng mabahong paa, na maaaring sanhi ng madalas na paglusong sa baha.

Ngunit higit sa lahat, ang tag-ulan ay panahon din ng maraming kaso ng dengue at leptospirosis. Dahil maulan, namumuhay ang mga lamok na nagdadala ng dengue sa matutubig na lugar, habang nakukuha naman ang leptospirosis sa pagkakalantad ng balat sa baha na kontaminado ng ihi ng daga. Parehong nakamamatay ang dalawang sakit.

Karamihan sa sakit na kaakibat ng tag-ulan ay maaaring maiwasan kung mayroon lamang sapat na kaalaman at kahandaan ang mga Pilipino sa paparating na unos.

Una, dapat na alamin ang lagay ng panahon, sa pamamagitan ng panonood at pakikinig sa mga weather forecast. Kailangan ding maghanda ng evacuation plan at disaster supply kit, na naglalaman ng pagkain, tubig, at damit. Protektahan din ang mga importanteng dokumento at papeles, at ilagay ang mga ito sa waterproof na sisidlan.

Kapag may bagyo o baha, manatili na lang sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagkalunod, pagkakaroon ng sakit, at pati na pagkakakuryente. Kung hindi maiiwasang lumabas, magdala ng payong, kapote, at bota.

Ugaliin din ang paglilinis ng kapaligiran upang mapuksa ang mga pinangingitlugan ng lamok na nagdadala ng sakit.

(Gaea Katreena C. Cabico)