Arestado ang 10 katao, na kinabibilangan ng dalawang babae, matapos maaktuhan ng mga pulis habang bumabatak ng shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Valenzuela City, nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Senior Supt. Audie A. Villacin, hepe ng Valenzuela City Police, kinilala ang mga naaresto na sina Chadlier Dumago, 37; Diego Bonanza, 28; pinsan nitong si Domingo Bonanza, 28; Jake Francisco, 26; at Glenda Balida, 18; pawang residente ng Family Compound, Barangay Malinta, ng nasabing lungsod.

Dakong 8:30 ng gabi nitong Huwebes nang salakayin ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-STOG) ang isang bahay sa No. 58 M. Antonio Street, Area 2, Bgy. Maysan, Valenzuela City.

Nabatid na ginagawang drug den ng grupo ang nasabing lugar tuwing gabi, dahilan upang salakayin ito ng mga tauhan ni Villacin.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakuha sa mga suspek ang apat na sachet na may shabu at sari-saring drug paraphernalia.

Sumunod na sinalakay ng mga pulis ang isang apartment sa Bgy. Malinta dakong 3:00 ng umaga kahapon, at naaresto roon sina Arvin Pangan, kapatid na si Alexander Pangan, sina Romina Galicia, Bernardo Pasadas at Dowie Galbano.

Narekober din sa kanila ang dalawang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia. (Orly L. Barcala)