TULAD ng kanyang pangako na siya ay magiging “prim and proper” kapag siya na ang pangulo, tinupad ito ni President Rodrigo R. Duterte sa kanyang pagtatalumpati sa inagurasyon sa Malacañang bilang ika-16 Presidente ng Pilipinas. Gaya ng isang uod (caterpillar), si President Rody ay nagkaroon ng “metamorphosis” o pagbabago bilang pagtupad sa pahayag na masasaksihan ng mga Pilipino ang bago niyang katauhan bilang bagong lider ng bansa. Naging ganap na paru-paro ang caterpillar.
Sa unang pagkakataon, walang narinig na pagmumura mula sa mga labi ng bagong Pangulo. Sa unang pagkakataon din, gumamit ang machong Pangulo ng teleprompter at isang prepared speech kung kaya’t siya’y naging kagalang-galang sa kanyang barong Tagalog na gawa pa sa Davao City. Bagay pala kay Mang Rody ang barong kaya siya ay naging tunay na presidential. Kung hindi siguro preparado ang talumpati ni Pangulong Digong, posibleng sa kanyang ad lib ay mabahiran ito ng mga mura.
Inamin ni President Rody na isang kapalaran ang kanyang pagkapanalo sa pagkapangulo. Naniniwala siya sa Diyos at sa milagro. At ang milagro na sinabi niya ay ang tagumpay bilang Pangulo ng ‘Pinas, mula sa pagiging probinsiyanong alkalde ng Davao City. Tulad niya, si Vice President Leni Robredo ay isang ring probinsiyana mula sa Naga City na inihalal ng mga tao. Dahil dito, probinsiyano at probinsiyana ang mga pinuno ng ating bansa ngayon.
Talagang destiny nga yata ang maging pangulo ng bansa. Si ex-Sen. Ninoy Aquino na kaytagal inambisyon ang puwesto sa Malacañang ay namatay sa MIA tarmac noong 1983. Hindi akalain ng kanyang biyuda na tinawag na “a mere housewife” ng diktador na si Marcos, ang magiging pangulo.
Maging si Noynoy Aquino na walang ambisyong tumakbo ay biglang naging pangulo matapos yumao si Tita Cory at bumaha ang simpatiya sa mga Aquino. Si Carlos P. Garcia ay bigla ring naging pangulo sa pagkamatay ni Ramon Magsaysay Sr. noong 1957. Si Elpidio Quirino ay naging pangulo sa pagkamatay sa atake sa puso ni Pres. Manuel Acuna Roxas noong 1947. Si Gloria M. Arroyo ay naupo sa puwesto matapos mapatalsik si Joseph Estrada. Sa abroad, maging si Lyndon B. Johnson ay naging pangulo ng US nang mamatay si Pres. John F. Kennedy. Talagang kapalaran.
Sa inagurasyon ni Pres. Rody: “Real change is coming, and the ride will be rough.” Hinikayat niya ang taumbayan na sumama sa kanya upang maibalik ang public trust sa gobyerno at sa mga lider. Iginiit na magiging matigas siya laban sa kurapsiyon at tutuparin ang pangako na susugpuin ang kriminalidad, partikular ang illegal drugs. Matupad mo sana, Mano Digong, ang iyong adhikain para sa bayan! (Bert de Guzman)