HINDI na talaga kayang pigilin ang pagpasok ng tag-ulan.

Halos tuwing hapon, bumibigat ang kalangitan at umuulan hindi lamang sa Metro Manila kundi sa maraming bahagi ng bansa. Accurate o tama naman madalas ang pagtaya sa panahon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Subalit nakapagtataka kung bakit marami pa ring commuter ang naiipit sa ulan at baha. Naiipit hindi dahil sa walang masakyan, kundi nakapirme sa isang masisilungan sa tuwing bubuhos ang ulan.

Walang kadala-dala. Batid na nga ng mga ito na tag-ulan na ay hindi pa rin nagdadala ng payong o kapote.

Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX, inaasahang papalo ng 3 milyon ngayong holiday season!

Kampante na hindi dadapuan ng sakit dahil ang tingin sa sarili ay mala-kalabaw ang kalusugan.

Ngunit kung pagmamasdan sila sa pagkakasilong sa mga medya-agwa ng mga tindahan, waiting shed o gilid ng gusali, parang mga basang sisiw na giniginaw sa lamig ng panahon suot ang damit na basa sa ulan.

Matanda o bata, maraming pasaway dahil hindi nagdadala ng panangga sa ulan.

Tinanong ni Boy Commute ang ilang pasahero kung bakit wala silang payong. Eto ang ilan sa kanilang dahilan: “Mahal po kasi”; “Walang paglagyan, dahil masikip na ang bag ko”; “Masisira po ang porma ko kapag may bitbit na payong”; “Sandali po lang naman ‘yang ulan.”

Napakamot tuloy ng ulo si Boy Commute dahil ‘tila mabababaw ang kanilang mga dahilan.

Kung mapapadpad kayo sa Quiapo o Baclaran, magugulat kayo at nasa P50 na lang ang presyo ng isang payong.

Disposable dahil manipis ang frame nito subalit kaya nang iuwi ang isang pasahero nang hindi nababasa sa ulan.

Sa Japan, mayroong mga ibinibentang payong tulad nito na mas mura dahil isang gamitan lamang. Kumbaga, for emergency use only.

Hindi ba nag-iinit ang ulo n’yo tuwing uuwi ang anak n’yo mula sa eskuwelahan na basang-basa dahil sa ulan? Sa kanila, parang isang laro lamang ang pagsugod sa ulan at paglusong sa baha na walang takot kung dapuan ng karamdaman.

Ang iba ay nagtitiyaga sa lumang d’yaryo o karton na itinatalukbong sa kanilang ulo.

Isa pang punto. Ang nagkukumpulang pasahero na walang payong sa ilalim ng poste ng mga pedestrian overpass, o LRT at MRT, ang karaniwan ring sanhi ng pagbabara ng daloy ng sasakyan.

Parang mga bibi (anak ng pato) na tabi-tabi sa isang sulok at naghihintay na tumila ang ulan.

Puwede ba, tigilan na ninyo ang kahibangang ito?! (ARIS R. ILAGAN)