Warning sa mga corrupt sa gobyerno!
Isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng regular lifestyle check sa mga opisyal at kawani ng gobyerno upang tuluyan nang masugpo ang kurapsiyon sa hanay ng mga lingkod-bayan.
Nagbabala ang Presidente na magkakaroon ng masusing monitoring sa pamumuhay ng mga opisyal ng gobyerno, partikular na ang mga nasa Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), upang matuldukan na ang kurapsiyon sa pamahalaan.
Kapag napatunayang sangkot sa graft at corruption, nagbanta ang Pangulo na ipakukulong o papatayin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
“We have the corruption in government and again it has to stop — decades of corruption… You place yourself in jeopardy of going to prison,” sinabi ni Duterte sa kanyang pagdalo nitong Martes sa anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF) sa Clark, Pampanga.
“You are used to buying cars for everybody in the family. Well I’m sorry, do not do that because I will, the lifestyle checks will be all the year round. I would know from your garage kung tingnan ko kung ilan ang kotse mo,” dagdag ng Pangulo.
Ayon sa dating alkalde ng Davao City, ang mga namumuhay nang may “extra frills” ay kailangan “to learn to live frugally and tone down” ang kanilang maluhong pamumuhay.
Kaugnay nito, hinimok niya sina BoC Commissioner Nicanor Faeldon at BIR Commissioner Caesar Dulay na tuldukan ang kurapsiyon sa kani-kanilang ahensiya, at iginiit na malaki ang inaasahan niya sa mga ito.
“I don’t mind there will be a lesser income for the government. I am prepared for that,” anang Pangulo. “To the BIR, stop (corruption) because I will make a trail out of you. Lahat ngayon binabantayan.” (Genalyn D. Kabiling)