NAG-ABISO ang Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) kahapon sa mga residente ng Cagayan na maghanda sa posibleng pagtama ng bagyong ‘Butchoy’, ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA).
Ipinahayag ito ni RDRRMC Regional director Norma Talosig na maaaring maganap ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mabababang lugar at sa mga bundok sa probinsiya.
Namataan ang bagyong Butchoy (international name: Nepartak) nitong umaga ng Miyerkules, malapit sa Aparri, Cagayan habang patuloy itong gumagalaw pa-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kph.
Inalerto na rin ng RDRRMC ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) at ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), ani Talosig.
Ayon kay Talosig, nakipag-ugnayan na sila sa mga lokal na ahensiya ng gobyerno tulad ng Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force (PAF), at mga pribadong organisasyon para ipatupad ang mga precautionary measure.
Inaasahan na makaaapekto ang hangin sa baybayin ng dagat sa hilagang Luzon.
Dahil dito, nag-abiso na hindi muna maaaring pumalaot ang mga maliliit na bangka habang inalisto ang malalaking sasakyang-dagat sa naglalakihang alon sa dagat, dagdag ni Talosig.