Negatibo sa paggamit ng ilegal na droga ang mahigit 300 pulis ng Southern Police District (SPD) matapos sumailalim sa mandatory drug test sa Fort Bonifacio, Taguig City, nitong Martes.
Sa inilabas na resulta para sa unang batch, lumabas na negatibo ang mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs, Station Anti- Illegal Drugs at Station Operation Unit ng SPD, sa pangunguna ni Acting SPD Director Senior Supt. Tomas Apolinario Jr.
Ngayong Miyerkules, inaasahang isasalang sa drug test ang 500 pulis ng SPD kabilang ang mahigit 4,000 miyembro ng Parañaque City Police Station, Pasay, Makati, Las Piñas, Muntinlupa, at Taguig.
Maging ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) ay isasalang din sa drug test base sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang Philippine National Police (PNP).
Pagkasibak sa serbisyo ang naging diretsahang banta ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga pulis na magiging positibo sa drug test. (Bella Gamotea)