Kalaboso ang kinahinatnan ng dalawang binatilyo matapos tangayin ang motorsiklo na pag-aari ng isang fish vendor sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na si Richard Delgado, 18, at kapatid nitong 15-anyos, kapwa residente ng Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Ayon sa biktimang si Sheila Danque, 31, ipinarada niya ang kanyang Honda Wave sa tapat ng pamilihang bayan sa Eusebio Avenue, Pasig City, upang asikasuhin ang kanyang paninda, nitong Lunes ng hapon.

Subalit nang balikan niya ang kanyang motorsiklo dakong 6:45 ng gabi ay laking gulat ng fish vendor na wala sa paradahan ang kanyang sasakyan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Agad niyang ipinaalam sa mga barangay official ang insidente at sa tulong ng video footage ng closed circuit television sa lugar ay natukoy ng mga ito ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na tumangay sa motorsiklo.

Natunton ang pinagtataguan ng magkapatid sa Satellite 1, Bgy. Pinagbuhatan, at naaktuhan pa ng awtoridad ang magkapatid habang kinakalas ang amplifier ng ninakaw na sasakyan. (Jenny F. Manongdo)