Tinupad ng may-ari ng Quim’s Cake Bakeshop and Café na si Eliaquim Labang, na kilala rin bilang “Chef Jack”, ang pangako niyang magpapakain siya ng P5 milyon halaga ng Duterte cakes “for free” kapag nahalal na pangulo si dating Davao City Mayor Rodrigo R. Duterte.

Matatandang nag-viral ang post ni Labang sa kanyang Facebook page matapos siyang magbitiw ng mga salitang: “’Pag manalo si Duterte [na] manok n’yo, guys, gagawa ako ng maraming cakes. Pinakamasarap na cakes sa Pilipinas worth P5 milyon, para ipakain for free. Siguraduhin n’yo lang [na] mananalo s’ya. Mark my word.”

Agad din namang binura ni Labang ang naturang post, ngunit maraming netizens ang nagsabi na hindi nila nalilimutan ang post na ito ni Labang at ini-screenshot pa ito upang ipaalala sa kanya ang ipinangako niya.

Nagkaroon din ng isang Facebook event na 34,000 netizen ang nagsabi na gusto nilang makuha ang mga libreng cake sa Hunyo 30.

Human-Interest

Babaeng guro sa Batanes na 'buwis-buhay' na umaakyat sa flagpole, pinarangalan

Naging totoo naman sa kanyang salita si Labang matapos na muli siyang mag-post sa Facebook: “To celebrate a clean and free elections and in honor of our new leaders, we stay true to our promise of sampling P5 million worth of cakes to [you] in scheduled batches.”

Sa wakas, makatitikim na ang mga tao ng Duterte cakes samples, ngunit kinakailangan muna nilang i-like ang Facebook page ng Quim’s Bakeshop and Café at ipadala ang kanilang pangalan, edad, tirahan, at contact number sa [email protected] upang magpareserba ng slot.

Ang sampling ay gagawin sa Quim’s cake shop sa 38 Tomas Morato Avenue sa Diliman, para sa unang 50 nakapagparehistro na at pupunta sa una at ika-15 ng bawat buwan, na magsisimula ngayong Hulyo. (Clarise Cabrera)