DAVAO CITY – Sinabi ng presidential son na si Vice Mayor Paolo Z. Duterte na posibleng hatiin ng kanyang ama, si Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang isang buong linggo sa pananatili sa Maynila at sa Davao City.

“I heard it’s going to be three days (each),” anang bise alkalde.

Nang tanungin kung ano ang gagawin ng Presidente sa natitirang araw ng linggo, nagbiro si Vice Mayor Duterte na sa ikapitong araw ay magsisimba ang kanyang ama. “But really, I don’t know.”

Kasabay nito, direktang inihayag ng bise alkalde na walang maaasahan ang mga taong nais humingi ng pabor sa kanyang ama, kahit pa idaan ito sa kanya.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

“Alam n’yo na ayaw niya ng ganyan,” sabi ni Paolo, idinagdag na kahun-kahong resumé pa nga ang ipinadala sa kanyang tanggapan ng mga naghahangad ng puwesto sa gobyerno.

“I just gave it to them,” aniya, tinukoy ang kampo ng Pangulo.

Sinabi pa ng bise alkalde na nahihirapan pa silang magkakapatid na mag-adjust kapag nasa publiko, partikular ang pagkakaroon ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) na nakapaligid sa kanila sa lahat ng oras.

Kumplikado rin ang ganitong sitwasyon para sa bise alkalde at sa kapatid niyang si City Mayor Sara Duterte dahil kapwa sila halal na opisyal ng siyudad.

“Hindi kami sanay,” sabi ni Paolo. (Yas D. Ocampo)