Marian Kris copy

MASAYANG kuwentuhan ng magninang na sina Kris Aquino at Marian Rivera ang episode ng Yan Ang Morning na napanood sa GMA-7. Dapat ay noong Huwebes ipinalabas ang said episode, pero preempted lahat ng morning show dahil sa panunumpa sa tungkulin nina President Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo, kaya kahapon lang ito naipalabas.

Kauuwi pa lamang ni Kris noong Sunday, June 26, at first TV appearance niya ito, bilang pagtupad sa pangako niya kina Dingdong Dantes at Marian during VP Leni’s campaign na after her vacation ay sa show ni Marian ang kanyang first guesting.

Sa ganitong paraan niya ipinakita ang kanyang pasasalamat sa pagsuporta ng mag-asawa kay VP Leni, lalo na si Dingdong na ubod ng sipag na sumama sa sorties. Wala naman daw problema sa kanya dahil wala pa siyang exclusive contract sa ABS-CBN ngayon.

Human-Interest

Anim na transplant patients sa Brazil nahawa ng HIV sa organ donors

Tungkol kay President Duterte ang unang tanong ni Marian sa ninang niya.

“Susuportahan ko siya,” mabilis na sagot ni Kris. “Hindi ba dapat naman ganoon ang gawin natin dahil anuman ang gagawin niya para sa atin ding mga taxpayers ng bansa. Ganyan din naman ang ginawa noon kay Kuya PNoy kahit hindi siya ibinoto ng lahat, binigyan naman ng chance na makapaglingkod siya sa ating bansa ng anim na taon. Ipinasyal ako noon ni Pres. Duterte sa Davao at nakita kong maayos at malinis ang city. Hindi ko iyon malilimutan.”

Ang AlDub (love team nina Alden Richards at Maine Mendoza)?

“Oh, I love them. Nalaman ko na nakilala si Maine sa pagda-dubsmash niya sa akin. Okey lang iyon, basta maganda ang nanggagaya sa akin. Pero hindi ko pa nami-meet nang personal si Maine. Si Alden, noong gumawa kami ng movie ni Bimby sa festival with Bossing Vic Sotto, naroon siya at nilapitan niya ako, sabi niya: ‘Miss Kris, ako po si Alden Richards.’ Sagot ko sa kanya, kilala na kita. They deserve all the blessings na dumarating sa kanilang dalawa ni Maine.”

Lahat nga ba ng tsismis alam niya?

“Oo. But since kadarating ko lang, at nalaman ng mga kapatid ko na maggi-guest ako rito, sabi nila, baka kung anu-ano na naman daw ang sabihin ko. Kaya wala na muna akong talk.”

Ikinuwento ni Kris na pagdating nila ng mga anak niyang sina Joshua at Bimby, nagsukat siya ng mga damit na gagamitin niya sa inaugural events na dadaluhan niya. Kababalik lang niya, pero kung may time pa para magbakasyon uli, saan naman niya gustong pumunta?

“Sa Europe. Kung papayag ang mga anak ko, gusto kong mag-isang pumunta at libutin ang buong Europe.”

Sino ang ka-text niya ngayon?

“Pwede bang hindi ko sagutin iyan? Yes, meron, pero ang nakakaalam lang nito ay sina Josh at Bimby. Connected ang telepono ko sa telepono nila, kaya kung sinuman ang kausap ko sila lang ang may karapatang malaman kung sino siya, hindi p’wedeng malaman ito ng lahat ng tao.”

Ang message na iniwan ni Kris sa live audience at viewers ng Yan Ang Morning:

“Gusto nating bigyan ng good life ang mga anak natin, pero ang pinakamaganda at natutunan ko sa pagbabakasyon namin nina Josh at Bimby, iyong pagbuhusan natin ng quality time ang mga anak natin.”

Nagpasalamat din si Kris kina Dingdong at Marian na sa panahong ito ay hindi ka raw makakakita ng permanent friends, pero nakita niya ang totoong pagmamahalan at pagsuporta sa isa’t isa ng kanyang mga inaanak at totoong pagsuporta nila kay Vice President Leni Robredo.

Bago natapos ang programa, tinuruan ni Kris si Marian na magluto ng binagoongang baboy na paborito pala ng mga kapatid niya. Kaya kapag nagluto siya nito, may share ang bawat isa sa kanila. (NORA CALDERON)