NGAYON, Hulyo 2, ang kapistahan ng Our Lady of Piat (Nuestra Señora de Piat), isa sa mga pinakaiginagalang na imahen ng Birheng Maria sa Pilipinas.
Kilala rin bilang Itim na Birheng Maria, ang imahen ng Our Lady of Piat ay orihinal na inukit sa Macao, na noon ay kolonya ng Portugal. Dinala ito sa Pilipinas noong 1604 ng mga paring Dominikano at inilagak sa Lallo, Cagayan, noon ay Episcopal See ng Nueva Segovia. Inisip ng mga Dominikanong Misyonero, sa pananaw na may pagkarebelde ang mga katutubo, na ang pagpapalaganap ng debosyon sa Birheng Maria ay magpapalambot sa kanilang mga puso. Kalaunan, dinala ang imahen sa Piat.
Noong 1623, itinayo ang isang sanktuwaryo sa pagitan ng Piat at Tuao upang resolbahin ang alitan sa mamamayan ng magkanugnog na bayan. Pagkatapos, inilipat naman ito malapit sa dalampasigan.
Ngayon, ang imahen ng Birhen ay matatagpuan sa Santuario de Nuestra Señora de Piat na idineklara ng Vatican bilang Basilica Minore noong Hunyo 22, 1999.
Nagkaloob naman si Pope Leo XIII, na ikinokonsidera bilang Papa ng Banal na Rosaryo simula noong 1883, ng ilang indulhensiya sa mga mananampalataya na bumibisita sa Our Lady of Piat tuwing kapistahan ng imahe at sa okasyon ng pagdayo o pilgrimage sa alinmang araw; at 100 araw na indulhensiya sa mga bumibisita sa sanktuwaryo anumang araw.
Kabilang sa mga milagrong iniuugnay sa Our Lady of Piat ang: Pagtatapos ng tagtuyot na nagbanta ng matinding pagkagutom sa rehiyon ng Itawes; ang paggaling ng isang batang lalaki mula sa ketong; ang paggaling ng isang batang lalaki na nasiraan ng bait; at ang pagkakaloob sa kahilingan ng isang mag-asawa na magkaroon sila ng anak.
Pinaniniwalaang binibisita niya ang mga bata kapag kailangan siya ng mga ito at inaaliw sila kapag nalulungkot. Dahil sa mga ito, kinikilala rin siya bilang Lady of the Visitation.
Sa ating pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Piat, pasalamatan natin siya sa kanyang mga kaloob na biyaya na bunsod ng kanyang pananalangin para sa atin. Gaya ng batang lalaki na binigyang-lunas niya ang ketong, manalangin din tayo: “Banal na Birheng Maria, maawa ka sa amin, sa aming bansa, at sa mga pinuno nito sa aming sama-samang pagharap sa mga pagsubok upang maging maginhawa ang pamumuhay sa aming bansa.”