WASHINGTON (Reuters) – Isang international ruling sa Hulyo 12 ang inaasahang magkakait sa China ng anumang batayang legal sa pag-angkin sa halos buong West Philippine Sea/South China Sea, at nanganganib ang Beijing na ituring na isang "outlaw state" kapag hindi nito iginalang ang desisyon, sinabi ng punong abogado ng Pilipinas sa kaso noong Miyerkules.

Sa panayam ng Reuters, nagpahayag ng kumpiyansa ang beteranong Washington attorney na si Paul Reichler na magdedesisyon ang Permanent Court of Arbitration, sa The Hague, pabor sa Manila sa Hulyo 12 sa mainit na kaso laban sa Beijing, na ibinabasura ang hurisdiksyon ng tribunal at sinabing hindi ito kikilalanin.

Sinabi ni Reichler, namumuno sa legal team ng Pilipinas sa 3-1/2- taong kaso, na naniniwala siya na mananalo ang Manila sa legal argument, katulad ng consensus sa Washington at halos lahat ng malalaking foreign capital.

"We are confident we will have success on the merits," sabi ni Reichler, na tinawag ang kaso na posibleng isa sa pinakamalaking dinesisyunan ng korte. Nagsalita siya ilang oras matapos ihayag ng korte ang petsa ng paglabas ng desisyon nito.

National

Maza sa maritime drill ng PH, US, Japan sa WPS: ‘Mas lalo tayong nalalagay sa alanganin!’

Ibinabatay ng China ang pag-angkin nito sa South China Sea sa "Nine Dash line" na sumasakop sa halos buong karagatan hanggang sa mga tubig malapit sa dalampasigan ng mga katabing bansa sa Southeast Asia.

Sinabi ni Reichler na ang desisyong kontra sa Beijing "would deprive China of any legal basis for making such a claim." Ikinakatwiran ng Manila na ang claim ng China ay lumalabag sa U.N. Convention on the Law of the Sea at sinasagkaan ang mga karapatan nito sa mga likas na yaman at fishing areas sa loob ng kanyang exclusive economic zone.

Muling idiniin ng China noong Miyerkules na hindi nito tatanggapin ang anumang third-party decision sa isyu.

Sinabi ni Reichler na kapag ibinasura ng China ang desisyon ay mangangahulugan na idinedeklara nito ang sarili na isang "outlaw state" na hindi gumagalang sa rule of law.

Si Reichler ay isang international lawyer na kilala sa pagiging kinatawan ng maliliit na bansa laban sa malalaking kapangyarihan, kabilang na ang kaso noong 1980s ng Nicaragua na inakusahan ang United States ng pagpopondo sa mga rebeldeng Contra laban sa gobyerno.

Sa gitna ng umiinit na tensiyon sa South China Sea, sinabi ni Reichler na "nobody wants or should even contemplate the use of force."

Hinulaan niya na mahaharap ang China sa matinding pressure para sundin ang desisyon mula sa rival claimants, kabilang na ang Vietnam, Indonesia at Malaysia.

"It may be that in time ... the Chinese will come to realize that they have more to lose than to gain from creating a chaotic, lawless situation," aniya.