Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

4 n.h. -- Air Force vs Laoag

6:30 n.g. -- BaliPure vs Pocari Sweat

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Target ng Philippine Air Force at Bali Pure na mawalis ang kani-kanilang semifinal match-up ngayon para maisaayos ang championhip sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference, sa San Juan Arena.

Nakauna ang Jet Spikers at Purest Water Defenders sa kani-kanilang best-of-three semis series kontra sa Laoag at Pocari Sweat, ayon sa pagkakasunod.

Tinalo ng Purest Water Defenders ang Pocari Sweat Lady Warriors, 25-20, 25-19, 26-24 habang pinasadsad ng Jet Spikers ang Power Smashers, 25-20, 26-24, 26-24.

Asam ng Air Force at Balipure na makaulit para makausad sa finals.

“Yung level ng laro namin patuloy na tumataas at sana hindi magbago,” pahayag ni Air Force coach Jasper Jimenez, patungkol sa laro ng mga beteranong sina Judy Caballejo, Jocemer Tapic, May Ann Pantino, Joy Case, at setter Wendy Semana.

Para sa kampo ng Purest Water Defenders, muling sasandigan ang kanilang nabuong teamwork ng mga dating magkakasangga sa Ateneo at San Sebastian.

“Dati ‘yun ang sinasabing kulang sa min, yung teamwork.Pero dahil sa familiarity namin sa isa’t isa madali nang nabuo ‘yun at saka malaking bagay yung communication sa loob,” pahayag ni Bali Pure team skipper at ace hitter Alyssa Valdez na siyang namuno sa kanilang panalo noong Game One sa mismong araw ng kanyang kaarawan. (Marivic Awitan)