JAKARTA (Kyodo News) – Binigyan ng pahintulot ng gobyerno ng Pilipinas ang mga puwersang militar ng Indonesia na pumasok sa teritoryo nito sa pagsisikap na mabawi ang pitong tripulanteng Indonesian na binihag ng dalawang militanteng grupo sa karagatang sakop ng Pilipinas noong nakaraang linggo, inihayag ng isang Indonesian Cabinet minister nitong Martes.

“They approved us to enter into Philippine waters and land,” sabi ni Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu sa mamamahayag, binanggit na napagpasyahan ang kasunduan sa pagpupulong nila ng kanyang Philippine counterpart na si Voltaire Gazmin noong Linggo.

Ang hakbang ay posibleng nasa ilalim ng 1975 bilateral agreement ng dalawang bansa na nagbibigay ng pahintulot sa mga puwersang Indonesian na tugisin ang mga terorista at pirata sa tawid ng hangganan ng dalawang bansa.

Tinalakay ng mga defense minister sa kanilang pag-uusap ang paulit-ulit na pandudukot sa Indonesian sailors ng mga militanteng grupo sa katimogan ng Pilipinas, kabilang na ang grupong Abu Sayyaf.

Sen. JV Ejercito, inalala dakilang sakripisyo ni Hesus

Sa pulong, nagpasya rin ang Pilipinas na payagan ang mga sundalong Indonesian na samahan ang mga barkong Indonesian na naglalayag papasok at palabas ng Pilipinas upang kaagad na makagawa ng aksiyon sakaling atakehin ang mga barko.

Sa huling insidente ng pagdukot, hinihila ng tugboat na Charles 001 ang isang barge sa Sulu Sea noong Hunyo 20 nang dukutin ang 13 crew members nito. Kalaunan ay pinalaya ang anim sa kanila.

Sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa isang press statement noong Martes na hinati ang pito sa dalawang grupo at inilipat-lipat sa magkakaibang lugar sa Sulu.

Sinabi ni Indonesian Defense Force Commander Gen. Gatot Nurmantyo na naniniwala ang militar na ang dalawang grupo ay ang Abu Sayyaf at al-Habsy Misaya, isang faction ng Abu Sayyaf group na kumikilos sa Tapui Island sa katimogan ng Pilipinas.