Paano mo malalaman kung masipag at matapat ang isang pulis sa kanyang trabaho?
Para kay Chief Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, incoming Philippine National Police (PNP) chief, masusukat ang kasipagan ng isang pulis base sa kulay ng kanyang balat.
“Totoo ‘yan. Kung ang balat nila ay sunog dahil sa pagkakabilad sa araw, lalo na ‘yung nasa field assignment, tiyak na ginagampanan nila ang kanilang misyon,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam.
At dahil sa kanilang kasipagan, nangako si Dela Rosa na sa kanyang pag-upo bilang hepe ng PNP, pagbabasehan niya ang kulay ng balat ng isang pulis sa pagtatalaga ng mga bagong station commander hanggang regional director.
Una nang inihayag ni Dela Rosa na magpapatupad ito ng malawakang balasahan sa PNP kung saan ang pagbabasehan sa promosyon sa ranggo at posisyon ay ang track record ng bawat pulis sa anti-crime operations, lalo na sa ilegal na droga.
“We will make sure that those who would be appointed are not those with smooth and very white skin. Because it’s an indication that they stayed a lot of their time on air-conditioned rooms,” ani Dela Rosa.
“So my requirement now for my field commanders are those with dark skin, those whose skin are obviously burned by sunlight because that is a proof that they are doing the jobs being assigned to them,” dagdag niya.
Ito ay bukod pa sa isasagawang background check sa bawat tauhan ng pulisya. Aalamin din aniya kung ang pagkakasunog ng balat ng isang opisyal ay resulta lamang na kanyang madalas na paglalaro ng golf.
Puntirya ni Dela Rosa na mismong ang mga police field commander ang mangunguna sa operasyon ng kanyang mga tauhan laban sa mga sindikato at hindi lamang puro pagpapalaki ng tiyan sa himpilan ng pulisya. (AARON RECUENCO)