Umaapela ang mga empleyado ng Commission on Elections (Comelec) sa mga opisyal ng poll body na magsama-sama at magkaisa at ayusin ang sigalot na namamagitan sa kanila.
Ang panawagan ay ginawa ng Comelec Employees’ Union (Comelec-EU) dahil sa pangambang maaapektuhan ng iringan ng mga opisyal ng komisyon ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre, at tuluyan nang maisasantabi ang mga problema ng mga kawani, tulad ng pag-apruba sa kanilang Healthcard/HMO benefit na ilang taon na rin umanong nakabimbin sa en banc.
Sa isang-pahinang pahayag, iginiit ng mga empleyado na dapat na isantabi ng mga opisyal ng Comelec ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan at isaalang-alang ang kapakanan ng mahigit 5,000 empleyado ng komisyon sa buong bansa.
“At this very critical juncture, the Comelec-EU respectfully calls on the Honorable Commission En Banc to come together and unite. We hope that they find it in their hears to settle whatever differences they may have at the moment and that they be granted the wisdom and humility to focus on the principal mandate entrusted to them by the Filipino people, which is to steer the Comelec on its primary duty to conduct free and honest elections in the country. We pray as well that they prioritize the well being of the more than five thousand Comelec personnel nationwide,” saad sa pahayag.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa lahat ng empleyado ng Comelec sa bansa na sabay-sabay na magtipun-tipon ngayong Huwebes at manalangin para sa pagkakaisa at pagkakasundo ng mga opisyal ng komisyon para sa kapakanan ng bansa.
Sa Comelec main office naman sa Intramuros, Maynila, magsasagawa ng candle lighting pagsapit ng lunch break ngayong Huwebes, sa harap ng gusali ng Palacio del Gobernador upang maipaabot ang kanilang panawagan. (Mary Ann Santiago)