MAY bago nang pangulo ang Pilipinas. Siya ay si Rodrigo Roa Duterte (RRD), ang machong alkalde ng Davao City.
Welcome, Mr. President. Lipulin ang illegal drugs, itumba ang mga kriminal at palisin ang mga corrupt govt. official!
Talagang naiiba si RRD sa mga naging presidente ng bansa. Sa kanyang inagurasyon, ang ihahanda niya para sa mga guest ay adobo, maruya, at durian. Sa halip na alak (o wine), ang isisilbi ay sabaw ng buko (coconut juice). Ang inaugural ni Mang Rody ay payak (simple) at hindi gagawing magarbo tulad ng nakagawian sa Quirino Grandstand, sa Rizal Park.
Gaganapin ito sa Malacañang na limitado ang espasyo kaya hindi yata makakasabay sa panunumpa si VP-elect Leni Robredo.
Nais ni outgoing Davao City Mayor Duterte na hindi ito gawin sa Luneta upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko at baka siya naman ang murahin ng taumbayan, gaya ng pagmura niya noon kay Pope Francis dahil naabala siya sa bigat ng trapiko papunta sa airport at ihing-ihi na ngunit wala naman siyang dalang arinola sa sasakyan.
Kakaiba rin sa nakagawian ng dating mga pangulo ng ‘Pinas, hindi kumuha para magbayad si President Rody ng highly-paid couturiers at stylists para itahi ng mamahalin at pampapasiklab na kasuotan. Sa halip, ang isusuot sa inagurasyon ay barong Tagalog na gawa sa kanyang home turf (Davao City) at corduroy slacks.
Itinahi si Digong ng anim na barong gawa sa pinya dahil nangangati ang kanyang leeg at ibang bahagi ng katawan kapag ibang kayo (fabrics) ang damit na isusuot. Sinabi ni Sec. Martin Andanar ng Presidential Communications Office, ang bilang ng mga panauhin sa inagurasyon ay umabot na sa 627, sa halip na 500 lamang.
Tiyak na lalong titindi ang kampanya laban sa illegal drugs at kriminalidad ngayong si Mang Rody na ang bagong lider ng bansa. Mula noong Mayo 9 nang malamang siya ang nanalong pangulo, sunud-sunod ang pagpapatumba sa mga drug pusher-user sa iba’t ibang dako ng bansa. Habang sinusulat ko ito, mahigit na sa 60 ang naitumba ng mga pulis at maraming iba pa ang nadakip o kaya’y kusang sumuko dahil takot sa bantang pagpatay ni President Rody.
Ngayong si RRD na ang aktuwal na pangulo (Goodbye, “Tuwid na Daan”), higit na marami ang “mangabubuwal sa mga kalye at drug dens” sapagkat mismong si Gen. Bato o bagong PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang nagbanta na ilalabas niya “nang pahiga” ang mga big-time drug lord sa loob ng New Bilibid Prisons at bubuwagin ang mga drug laboratory doon.
Sa iba namang paksa tungkol sa Brexit o British Exit ng United Kingdom (UK) o Great Britain sa European Union (EU), nakausap namin nina broadcasters Rolly “Lakay” Gonzalo at Rene Tichangco si ex-Bataan Rep. at ex-SBMA Chairman Felicito “Tong” Payumo.
May pangamba na baka sumunod ang iba pang kasapi ng EU sa pagkalas ng UK. Nag-email daw ang kanyang daughter na nagtatrabaho sa Finance Industry sa New York at son-in-law na nasa London, na baka ang sumunod ay Grexit, Departugal, Italeave, Czexhout, Finish, Slovakout, Netherun, Luxembuggeroff at Byegium. Pero, sabi naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas, maliit lang ang epekto ng Brexit sa ‘Pinas! Sana nga. (Bert de Guzman)