Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang tatlong taong gulang na babae makaraan siyang pagsasaksakin ng sariling ina na umano’y gumon sa ilegal na droga sa Navotas City.
Binawian ng buhay ang bata habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kinasuhan naman ng parricide si Gene Paula Pelayo, 29, ng KCC Barangay NBBS, Navotas City.
Kuwento ni Rolando Aguja, amain ng suspek, dakong 1:00 ng umaga nang makarinig sila ng ingay mula sa kuwarto ng mag-ina, na nang kanilang puntahan ay nakita nilang duguang nakahandusay sa sahig ang bata.
Sinabi pa ni Mang Rolando na ‘tila praning si Pelayo dahil nagsasalita itong mag-isa.
“Tuloy po ang kaso, kailangang mabigyan ng katarungan ang bata,” ani Aguja. (Orly L. Barcala)