Inisnab kahapon ni dating Oriental Mindoro Rep. Rodolfo Valencia ang arraignment niya sa Sandiganbayan sa kasong malversation at graft kaugnay ng pagkakadawit sa pork barrel fund scam.
Idinahilan ng legal counsel ni Valencia na si Atty. Karl Steven Co sa Sandiganbayan Seventh Division na nakararanas ng acute viral infection ang kanyang kliyente.
Nagsumite rin si Co ng medical certificate ni Valencia sa hukuman hinggil sa naturang karamdaman ng kanyang kliyente.
Dahil dito, ipinasya ng hukuman na ituloy na lamang ang pagbasa ng sakdal kay Valencia sa Hulyo 18, ang petsa rin ng arraignment ng isa pang akusado at umano’y mastermind sa “pork” scam na si Janet Lim-Napoles na hanggang sa ngayo’y hindi pa rin nakakapagpiyansa.
Noong Hunyo 17, nakapagpiyansa na si Valencia sa kasong tatlong bilang ng graft at tatlong malversation.
Kabilang lamang si Valencia sa mga mambabatas na second batch na kinasuhan dahil sa “pork” scam. (Rommel P. Tabbad)