Kinumpirma kahapon ng pamunuan ng Caloocan City Police na may kinalaman sa illegal drug activities ang pananambang sa isang barangay chairman sa lungsod, na napatay sa Quezon City nitong Sabado.

Ito ang kinumpirma ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, sa mga mamamahayag.

Ayon sa opisyal, nakakuha sila ng “blue book” na nakasulat doon ang pangalan ni Edres Domato, 56, chairman ng Barangay 188, Bagong Silang, Caloocan City.

Pasado 7:00 ng umaga nang pagbabarilin nitong Sabado si Domato ng riding-in-tandem sa Qurino Highway, Bgy. Pasong Tubig, Novaliches, Quezon City.

National

Batikang journalist binaril sa loob ng bahay sa Aklan, patay!

Kuwento pa ni Bustamante, problema ng Caloocan Police ang Bgy. 188 dahil nagkalat sa lugar ang shabu at nasa watch list din ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Domato.

Disyembre 2013 nang ni-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lugar ni Domato, at isang agent ang napatay nang manlaban ang mga drug pusher, ayon kay Bustamante.

Maging ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay nagsagawa rin ng raid sa Bgy. 188 at 21 sangkot sa ilegal na droga ang naaresto.

Ayon kay Bartolome, bagamat nasa watch list si Domato at nasa blue book din ang pangalan nito, hindi nila maaresto ang opisyal dahil kumakalap pa sila ng matitibay na ebidensiya laban dito.

Ito ang naging pahayag ng pulisya makaraang mapaulat na magsasampa ng reklamo ang pamilya ni Domato laban sa taong nag-uugnay sa opisyal sa ilegal na droga. (Orly L. Barcala)