Pinapapabalik sa serbisyo ng Court of Appeals (CA) ang ilang opisyal ng pulis na sinibak dahil sa umano’y anomalya sa pagbili ng mga police coastal craft, na nagkakahalaga ng P4.54 milyon, noong 2009.
Sa 22-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, kinatigan ng CA 11th Division ang petisyong inihain nina Chief Supt. Asher Dolina, Chief Supt. Ferdinand Yuzon, Senior Supt. Thomas Abellar at Supt. Rico Payonga.
Binaligtad ng appellate court ang consolidated resolution ng Office of the Ombudsman, na may petsang Hunyo 2, 2015, na nagsasabing may pananagutang administratibo ang mga petitioner.
Kasabay nito, ibinasura rin ng CA ang reklamong grave misconduct at dishonesty laban sa apat na pulis.
Nag-ugat ang kaso sa disbursement voucher na inisyu noong Hulyo 2010 bilang kabayaran sa mga coastal craft na nagkakahalaga ng P4.54 milyon sa kabila ng mga nakitang depekto sa mga ito.
Natuklasan din umano ng Ombudsman na hindi dumaan sa public bidding ang mga rubber boat.
Pero sa desisyon ng CA, hindi ito kumbinsido na nakagawa ng grave misconduct ang mga pulis dahil lang sa pagnanais na magbigay ng mabilis, sapat at maaasahang serbisyo sa panahon ng state of calamity.
Maituturing umanong emergency procurement ang nangyari dahil sunud-sunod noon ang mga bagyong nanalasa sa bansa, kabilang ang ‘Ondoy’ at ‘Pepeng’. (Beth Camia)