WALANG nakatitiyak kung kailan tayo yayanigin ng 7.2 magnitude earthquake, bagama’t may manaka-nakang babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ito ay walang pinipiling oras. Huwag naman sana. Ang babala ng naturang ahensiya ay nakaangkla sa sinasabing posibleng pagbitak ng mga fault line na nakabalatay sa ilang lugar sa Metro Manila.
Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang nabanggit na babala ng Phivolcs. Sa halip, lalo tayong dapat makiisa sa shake drill na muling isasagawa ngayong umaga sa Metro Manila at sa mga karatig na bayan. Tulad noong unang inilunsad ang nation-wide shake drill, nasaksihan natin ang walang pag-aatubuling paglahok ng milyun-milyon nating kababayan sa buong bansa; naroroon ang pakikiisa sa isang pagsasanay na lubhang kailangan upang mapaghandaan natin ang anumang pagyanig at iba pang kalamidad. Inaasahan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na maraming lalahok sa pagsasanay.
Bantad na tayo sa kahindik-hindik na lindol na naganap sa iba’t ibang panig ng daigdig na ikinamatay ng maraming tao at nagpabagsak sa mga gusali. Sariwa pa sa ating gunita ang pagbagsak ng isang condominium sa Sta. Cruz, Maynila, maraming taon na ang nakalilipas. Hindi nakaligtas ang halos lahat ng naniniwahan sa nasabing gusali na gumuho na tila isang kaha ng posporo.
Sino ang makalilimot sa isang malakas na lindol na nagpabagsak sa isang malaking hotel sa Baguio City noong dekada 80. Marami ring namatay rito, kabilang ang ilang prominenteng mamamayan. Ang naturang pagyanig ay mistulang gumapang sa ilang bahagi ng Luzon na naging dahilan naman ng pagguho ng gusali ng isang kolehiyo sa Cabanatuan City.
Nitong nakalipas na ilang taon, niyanig din tayo ng isang malakas na lindol na naging dahilan naman ng pagbagsak ng mga antique building, kabilang na ang ilang sinaunang simbahan sa Bohol. Hanggang ngayon, ang naturang mga guho ay tila hindi pa naibabalik sa dating anyo ng mga ito.
Ang gayong kalunus-lunos na trahedya ay sapat na upang palawakin natin ang paghahanda, hindi lamang sa lindol, kundi maging sa iba pang kalamidad, lalo na ngayon na nagsimula nang magparamdam ang inaasahang sunud-sunod na bagyo.
Hindi rin birong pinsala ang dinadanas natin kung tayo ay binabayo ng malakas na buhawi at pinalulubog ng pagdaluyong ng malalaking alon, tulad ng nangyari sa Visayas.
Manatili tayong alisto hindi lamang sa pagyanig kundi maging sa lahat ng babala ng Phivolcs at PAGASA. (Celo Lagmay)