Posibleng hindi makaupo sa puwesto si Quezon City Councilor Roderick Paulate matapos na hindi siya mabigyan ng Temporary Restraining Order ng Court of Appeals (CA) kaugnay ng pagkakadiskuwalipika sa kanya ng Office of the Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa isyu ng “ghost employees.”

Matatandaang Enero 21, 2016 nang ibaba ng Ombudsman ang pinal nitong desisyon sa agarang diskuwalipikasyon kay Paulate sa anumang posisyon sa gobyerno dahil sa pagkakadawit niya sa usapin ng ghost employees.

Dahil sa pagkakasibak sa serbisyo sa gobyerno, kinansela rin ang eligibility at retirement benefits ni Paulate, at ipinasasauli rin ng Ombudsman ang katumbas ng isang taong suweldo ng konsehal, gayundin ng iba pa niyang mga kasama sa kaso.

Enero 26 naman nang naghain ang re-elected councillor ng ikalawang distrito ng kanyang Petition for Review para mabigyan siya ng TRO.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Subalit hindi pinayagan ng CA Special 5th Division ang TRO na may Preliminary Injunction na magsisilbi sanang daan sa pagpapatuloy ng kanyang kandidatura, na makapipigil sa agarang pagpapatupad ng perpetual disqualification for holding public office laban sa kanya.

Sa resolusyon ng Ombudsman, napatunayan ng Field Investigation Office kay Associate Graft Investigator Officer III Janice Baltazar ang tungkol sa mga inimbentong pangalan, litrato, at iba pang mga pekeng impormasyon ng mga kawani sa tanggapan ni Paulate.

Sa eleksiyon nitong Mayo 9 ay pumuwesto si Paulate sa ikaanim sa mga nanalong konsehal, at kapag hindi niya nalusutan ang kawalan ng TRO ay papalitan siya ng ikapito sa mga nahalal na si Ricardo Bello. (Jun Fabon)