Nagbabala si Ang Nars Party-list Rep. Leah Paquiz na posibleng magtrabaho na lang sa ibang bansa ang maraming Pinoy health worker kasunod ng pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang Comprehensive Nursing Act.
Aminado si Paquiz na lubos siyang nadismaya sa pagbasura ng Pangulo sa naturang panukala, na ang pangunahing layunin ay ang mapabuti ang kalagayan ng mga nurse upang hindi magtungo sa ibang bansa ang mga ito para mag-hanapbuhay.
“This will cause a brain drain in the nursing sector. Why can't we give a quality and decent life for our nurses? We are trying very hard to help those who are sick, but we take for granted the needs of the nurses and that is to give them decent living,” sinabi ni Paquiz sa isang panayam sa radyo.
Hindi rin kinagat ni Paquiz ang idinahilan ng Punong Ehekutibo sa pagtanggi nitong lagdaan ang panukala na ipinasa na ng Kongreso dahil, ayon sa kongresista, may sapat na pondo ang gobyerno upang bigyan ng karagdagang sahod ang mga nurse.
Katwiran ng Malacañang, ang hirit na pay hike sa mga nurse na nakasaad sa Comprehensive Nursing Act ay saklaw na ng Executive Order No. 201, bukod pa sa kompensasyon na itinakda sa Magna Carta of Public Health.
Umaasa naman si Paquiz na muling ihahain at kalaunan ay maipapasa rin ang Comprehensive Nursing Act sa 17th Congress sa kabila ng pagkontra rito ng mga pribadong ospital.
“I hope this bill will be re-filed and will not be watered down. We are fighting against the abuses and exploitation against nurses. The salary grade 15 should have been given. But, you know the private hospitals will oppose this. I won't allow a watered down version, I will fight for this," aniya.
Hangad ng panukala na ipagbawal ang pang-aabuso sa mga Pinoy nurse, tulad ng “volunteer scheme”, na puwersadong sumabak ang mga nursing graduate sa full-time clinical work nang walang bayad. (Charissa M. Luci)